MANILA, Philippines – Tumangging magbigay ng komento si Vice President Sara Duterte sa umano’y “snubbing” incident kay Speaker Martin Romualdez sa Villamor Air Base sa Pasay City.
Si Romualdez ay bahagi ng Philippine delegation na lumahok sa tatlong araw na biyahe ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. patungong Estados Unidos.
Sinalubong ni Duterte ang delegasyon na bumalik nitong Lunes ng gabi.
Sa video, makikita si Duterte na nilampasan lamang si Romualdez upang makipagkamay sa isang opisyal.
“Oh, Hindi ko nakita… Hindi ko nakita yung nasa social media. Di ako maka comment… Wala ako nakita,” sinabi ni Duterte nang tanungin kaugnay sa umano’y snubbing incident.
Wala pang tugon si Romualdez kaugnay nito.
Ngayong taon, matatandaan na inanunsyo ni Duterte ang pagkalas niya sa Lakas-Christian Muslim Democrats (Lakas-CMD) party.
Bago ang pagbibitiw, si Duterte ang party chairperson at si Romualdez naman ang presidente ng partido.
Bagama’t hindi sinabi kung ano ang dahilan ng kanyang pagbibitiw, sinabi ni Duterte na ang tiwala ng mga Filipino ang dahilan upang hindi siya dapat malason ng “political toxicity” o “execrable political powerplay.”
Dagdag pa, kamakailan ay inalis din ng Kamara ang confidential at intelligence funds ng ilang civilian agencies sa ilalim ng 2024 proposed national budget kabilang na ang sa opisina ni Duterte, ang Office of the Vice President at Department of Education.
Dahil dito, sinupalpal ng kanyang ama na si dating Pangulong Rodrigo Duterte ang ginawa ng Kamara at tinawag na bulok na institusyon.
Dagdag pa, sinabi rin ng dating Pangulo na mapipilitan siyang tumakbo bilang bise presidente o senador kapag na-impeach ang kanyang anak.
“Kung ano man yung decision ni Pangulong Duterte ay buo ang suporta ng pamilya sa kanya,” sinabi ni VP Sara.
Sa kabila nito, siniguro naman ni Romualdez na nananatiling matibay ang Marcos-Duterte alliance.
“We always work together. It is still a Uniteam. The President always wants us to work together, so we will always strive for that,” aniya. RNT/JGC