MANILA, Philippines – IPAUUBAYA na lamang ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte sa mga eksperto sa Department of Education’s (DepEd) Curriculum and Teaching na tawaging “diktadura” ang pamagat ng isang paksa sa Grade 6 Araling Panlipunan curriculum sa halip na “Diktadurang Marcos”.
“They can argue with the education experts inside the Curriculum and Teaching stand of the Department of Education because it was the education experts who decided the direction in teaching,” ayon kay VP Sara.
Nauna rito, kinumpirma naman ni DepEd Bureau of Curriculum and Teaching director Joyce Andaya na mayroong liham mula sa ilang espesyalita mula sa Bureau of Curriculum Development ang humihiling na alisin ang pangalang Marcos mula sa terminong “Diktadurang Marcos.”
Gayunman, nilinaw ni Andaya na ang rekumendasyon ay mananatiling daraan sa vetting process sa panahon ng pilot implementation ng revised K-10 curriculum ngayong taon.
Tinuran nito na hanggang sa ngayon ay wala pang nabuong consensus ang DepEd sa kung ano ang dapat na makita sa final curriculum document na ia-upload sa official website ng departamento.
Sa ulat, tinuligsa ng ilang grupo ng mga guro ang hakbang na palitan ang terminong “Diktadurang Marcos,” kasama si Alliance of Concerned Teachers (ACT) Representative at House deputy minority leader France Castro, ipinahayag ng mambabatas na ito’y “attempt to erase the culpability” at “deodorize” ang pangalan ng namayapang Pangulong Ferdinand Marcos Sr., ama ni Marcos Jr.
Itinatwa naman ni Andaya na mayroong intensyon para sa ‘historical revisionism’ o pag-whitewash sa katotohanan na nangyari noong panahon ng Batas Militar.
Binigyang diin pa rin nito na walang political pressure mula sa kasalukuyang administrasyon na irekumenda ang pag-alis ng pangalang “Marcos” mula sa “Diktadurang Marcos” sa bagong basic education curriculum na inilunsad noong Agosto. Kris Jose