MANILA, Philippines – Sinabi ni Vice President Sara Duterte nitong Miyerkules, Oktubre 18 na hindi ito ang tamang panahon para sa pamomolitika.
Ito ay makaraang alisin ng Kamara ang proposed confidential funds ng opisina ni Duterte.
“Naiintindihan ko ang inyong pagkadismaya at galit hinggil sa mga isyu tulad ng pakikialam sa budget at usapin ng confidential fund,” saad sa pahayag ni Duterte.
Ani Duterte, ang budgetary issues ay maliit lamang na usapin kumpara sa nagpapatuloy na Ukraine-Russia war at Israel-Hamas war.
“Hinihikayat ko ang bawat isa sa inyo na tutukan ang paghahanda sa darating na panahon ng taghirap lalo na sa patuloy na pagtaas ng presyo ng pagkain at iba pang bilihin. May oras para sa lahat at hindi ito ang panahon ng paninira at pamumulitika lalo na malayo pa ang susunod na eleksyon.”
Hindi naman idinetalye ni Duterte kung ang tinutukoy ba niya ay ang papalapit na national elections o ang papalapit na Barangay and Sangguniang Kabataan elections sa Oktubre.
Ngayong buwan, matatandaan na hindi pinayagan ng Kamara ang Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd) sa hirit nitong confidential funds.
Nais sana ng OVP ng P500 milyong confidential funds at ang DepEd naman ay humiling ng P150 milyon. RNT/JGC