PINASALAMATAN ni Vice President Sara Duterte-Carpio ang paglahok ng mahigit sa 1,300 kadeteng atleta at 13,000 dumalo sa pagbubukas Linggo ng umaga ng Mindanao leg ng 2023 Philippine Reserve Officers’ Training Corps Games (PRG) Games, Agosto 27, sa Don Joaquin Enriquez Memorial Spors Complex sa Zamboanga City.
Ikinatuwa ni Duterte-Carpio, na Army Colonel sa Reservists, ang pagbubuo sa natatanging torneo para sa kadeteng atleta sa bansa sa pagbibigay inspirasyon na maipagpatuloy at mas mapatatag ang torneo para sa mga nagnanais na maging parte sa sandatahang lakas ng bansa.
Umabot sa kabuuang 1, 300 kadete sa rehiyon ng Mindanao ang kumpirmadong lalahok sa natatanging multi-sports na torneo na asam mapalawak ang sports development, talent discovery, at ROTC program sa bansa katulong ang Department of National Defense (DND), Commission on Higher Education (CHED) at Philippine Sports Commission.
Unang nagbibigay ng welcome remarks si Zamboanga City Mayor John Dalipe bago nito sinamahan ang brainchild ng torneo na si Senador Francis “Senatol” Tolentino sa hoisting of the flags pati na sa pagsindi sa torch.
“Nagpapasalamat tayo sa pagdalo ni VP Sara, napakalaking tulong ang kanyang presensiya sa pagpapatuloy ng ating adhikain,” sabi lamang ni Senador Tolentino.
Bitbit ng torneo ang tema na “Tibay at Galing ay Pagyamanin, Suportahan ang Palarong ROTC Natin,” na nasa pakikipagtulungan ng Lokal na Pamahalaan ng Zamboanga City, sa ilalim ng pamumuno ni Mayor Dalipe.
Ang torch relay at lighting of cauldron ay isinagawa ng mga World at Asian champions athletes na sina Rosegie Ramos, Albert Ian Delos Santos, Angeliine Colonia, Rosalinda Faustino, Alexzandra Ann Diaz at Jhodie Peeralta na mula sa Zamboanga City bago ang inspirational message at pagpapakilala ni Senador Tolentino sa Keynote Speaker na si Vice-President at Department of Education (DepEd) Secretary Sara Duterte-Carpio.
Nakasama ni Duterte-Carpio ang bumubuo sa PRG 2023 Executive Organizing Committee na sina DND Secretary at Chairperson Gilberto “Gibo” Teodoro Jr., Hon. J. Prospero De Vera III, CHED Chairperson, at Philippine Sports Commission (PSC) Chairman Richard Bachmann.
Ang Oath of Sportsmanship ay gaganapin ni MASTS champion Cherrie Mae Rebollos, para sa coaches si Albert Jalandoni, at technical official kay Dexter Paclibar.
Gaganapin sa Joaquin Enriquez Memorial Sports Complex (JEMSC), WMSU, ZPPSU, ZSCMST, at Pilar College gymnasium ang mga laro simula Agosto 27 hanggang Setyembre 2, 2023, na binubuo ng athletics, swimming, boxing, arnis, weightlifting, kickboxing, e-sports, basketball, at volleyball.
Sa kapana-panabik na hakbangin na ito, nasasabik kaming anyayahan ka sa Philippine ROTC Games 2023 Mindanao Qualifying Leg (R9, R10, R11, R12, CARAGA, at BARMM)!
Una nang nagtipon-tipon ang mga kabataang kalahok ng ROTC Games 2023 sa siyudad ng Iloilo kung saan naiuwi ng Philippine Army ang 25 ginto, 25 pilak at 34 tanso para sa kabuuang 84 medalya. Ang Air Force ay may 23 ginto, 23 pilak at 22 tanso para sa 68 medalya.
Ang Philippine Navy ay nagwagi ng 9 ginto, 9 pilak at 9 tanso para sa kabuuang 27 medalya. Sa pangkalahatan ay may naibahagi nang 57 ginto, 57 pilak at 65 tanso para kabuuang 179 medalya sa unang ginanap na Visayas leg.
Huling dinaluhan nina Senador Francis Tolentino at Senador Robin Padilla ang pagtatapos ng ROTC Games 2023.RICO NAVARRO