Home NATIONWIDE VP Sara walang planong magsampa ng kaso vs Lascañas

VP Sara walang planong magsampa ng kaso vs Lascañas

MANILA, Philippines – WALANG plano si Vice President Sara Duterte na maghain ng kaso laban kay dating Davao Senior Police Officer Arturo “Arthur” Lascañas, inakusahan siya bilang pasimuno umano ng Oplan Tokhang sa Davao City.

Sa isang panayam sa Malaysia, inulit ni VP Sara ang kanyang hamon sa mga taong iniuugnay siya sa drug war killings na maghain ng kaso laban sa kanya.

“Wala akong balak mag-sampa ng kaso sa kanya (Lascañas). In fact, siya ‘yung china-challenge ko na mag-sampa ng kaso sa akin ng murder doon sa Pilipinas,” aniya pa rin.

Nauna rito, nagsumite si Lascañas ng186-page affidavit sa International Criminal Court (ICC) naglalaman ng impormasyon ng di umano’y patayan na ginawa sa ilalim ng panunungkulan ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte at ang pagkakasangkot ng anak nito na si VP Sara sa extrajudicial killings sa Davao City.

“Siya nga ang pasimuno nitong Oplan Tokhang nung naka-upo siya as mayor nung 2012 in-appoint nya si Bato Dela Rosa as chief of police ng Davao City,” ayon kay Lascañas, tinukoy si ngayon ay Senador Ronald dela Rosa.

Mariing itinanggi naman ni VP Sara ang alegasyon laban sa kanya, sabay sabing nadawit lamang ang kanyang pangalan sa isyu upang sa gayon ay makasama siya sa imbestigasyon ng ICC.

Tinuran nito na hindi pa niya natatanggap ang mga dokumento na nagpapahiwatig na siya ay respondent sa ICC’s investigation sa drug war campaign ng kanyang ama.

Tinuran pa rin niya na haharapin lamang niya ang mga akusasyon na nag-uugnay sa kanya sa Davao Death Squad sa Philippine court, inihayag na noong mahalal lamang siya bilang bise-presidente ay saka nasangkot ang kanyang pangalan sa kontrobersiya.

Tinuran pa ni VP Sara na hindi pa sila nagkakausap ng kanyang ama kaugnay sa ICC probe.

“Sigurado naman akong meron siguro siyang nakakausap na mga abugado dahil abugado din naman si Pangulong Duterte so naiintinidhan niya yung mga legal implications at mga procedures sa ICC,”ayon kay VP Sara.

At nang tanungin kung ang imbestigasyon ay “cause of concern” para sa pamilya Duterte, sinabi ni VP Sara na hindi ito para sa kanyang panig.

“I cannot speak for the other members of the family. Sa akin hindi naman dahil nakakuha ako ng legal advice sa mga Filipino lawyers na merong alam about international law,” dagdag na pahayag nito.

Sa ilalim ng drug war, may  6,200 suspects ang napaslang sa police operations base sa government records. Sa kabilang dako, ang Human rights groups ay nagpahayag na ang aktuwal na bilang ng mga namatay ay 12,000 hanggang 30,000. Kris Jose

Previous articleRehistrasyon, pagbibigay-serbisyo sa ‘stateless Pinoy’ sa Sabah target ng gobyerno
Next articleHacking incident sa DepEd tatalupan ng DICT