Home OPINION ‘WAG APURADO

‘WAG APURADO

MALINAW ang sinabi ni Senator Imee Marcos na hindi maaaring diktahan ni House Speaker Martin Romualdez ang administrasyong ito kahit pa kamag-anak nito ang Presidente. Hindi pupwede, lalo na kung walang pag-apruba ng “super ate” — mismong ang senadora ang nagbansag sa sarili — ni Pangulong Bongbong Marcos.

Inaming may hindi sila pinagkakasunduan, ibinunyag ni Senator Imee na “nagtatampo” sa kanya ang pinsang si Romualdez simula noong Oktubre, dahil daw sa pagiging malapit niya sa mga Duterte. Sa kabila nito, hindi nagpapigil ang senadora sa pagkuwestiyon kung bakit “inaaway” ni Romualdez sina dating pangulong Rody Duterte at Vice President Sara Duterte-Carpio kaugnay ng mga usapin ng confidential and intelligence funds at ng International Criminal Court.

Sa isang panayam sa radyo, binatikos pa ng senadora ang pinsan bilang “not a Marcos” matapos nitong kuwestiyunin kung ang katapatan ba niya ay nasa kanyang kapatid, ang Pangulo, o sa kanilang malapit na kaibigan at kaalyado sa politika, ang mga Duterte.

Kaya hindi na nakagugulat na hindi sinasang-ayunan ni Sen. Marcos ang pinsan sa mahahalagang isyu at diretsahang binira ang pagbabago sa Konstitusyon na isinusulong ng House leader.  Dati pa man, sinabi na ng senadora na hindi prayoridad ng administrasyon ng kanyang kapatid ang matalinong ideya ng Speaker.

Maliwanag naman ang pag-amin ng senadora na hindi sila nagkakasundo ng kanyang pinsan, independent siya rito, at mas may impluwensiya siya sa Punong Ehekutibo, bilang nakatatandang kapatid nito. Kung pagbabasehan natin ang utos ni President Bongbong na pangunahan ni Senate President Migz Zubiri ang pagtalakay sa Charter change, masasabi nating tama ang “super ate”: hindi maaaring idikta ni Martin sa gobyerno ang gusto niya.

Ang P51-billion question

Pasabog ang sinabi ni Rep. Zaldy Co na 99% siyang sigurado na tumpak ang napaulat na P51-bilyon alokasyon sa distrito ni Rep. Paolo Duterte noong 2022. Una, dapat itong busisiin; at ito nga mismo ang iginigiit ngayon ni Co.

Ang halaga ng pondo na ibinuhos sa iisang congressional district ay lubhang nakakagulat at tumutukoy sa posibilidad ng iregular na paggastos. Ang hindi pagkakatugma ng mga alokasyon, na umabot daw ng P35 bilyon sa iisang taon lamang, ay lampas-lampas sa karaniwang ipinagkakaloob sa isang distrito.

Ito marahil ang dahilan kaya sinita ni Rep. Pulong Duterte ang liderato ng Kamara sa umano’y P2 bilyon na tinapyas sa pondo ng kanyang distrito. Marahil balido rin naman ang pangamba rito, sa usapin ng budget transparency.

Kaya naman importante na ang House Committee on Appropriations, sa pagganap sa tungkulin nito, ay masusing himayin ang usapin sa harap ng mga Pilipino. Responsibilidad ng gobyerno na kumpirmahin ang katotohanan sa likod ng nasabing alokasyon.

Sa kanyang panig, sinabi ni Co na walang koneksiyon sa alitang politikal ang isyu, binigyang-diin na ginagawa lamang ng kanyang komite kung ano ang tama. Malinaw naman, dapat maliwanagan ang publiko sa paglalaan ng napakalaking pondong ito at kung ano ang implikasyon nito.

*         *         *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X app (dating Twitter).

 

 

 

 

Previous articleSSS MABABANG INTEREST PENSION LOAN PROGRAM PARA SA RETIRADONG PENSIONER
Next articlePAGBISITA NI KHAN