Home OPINION ‘WAG MO KAMING BOBOLAHIN

‘WAG MO KAMING BOBOLAHIN

ISINUSULAT natin ito, tapos na marahil “kinisin” ng mga writer ng Malacanang ang magiging talumpati ni Pangulong Bongbong Marcos, Jr. sa kanyang ika-3 State of the Nation Address  o SONA ngayong hapon sa House of Representatives.

Mukhang nahirapan ang mga writer ni PBBM kung paano tayo bobolahin sa SONA. Mahirap nga namang kinisin kapag malayo sa katotohanan.

Kailangang maging bonggang-bongga kasi ang mga sasabihin ni Marcos. ‘Yun bang kapani-paniwala sa tunay na estado ng ating bayang minamahal.

Alangang sabihin ng Pangulo na natupad na niya ang pangakong P20 kada kilo ng bigas gayong ang nabibili ng madla sa palengke ay halos P60 bawat kilo.

May nabibiling mas mura mula sa National Food Authority pero halos hindi matanggap ng ating sikmura. Pwera gaba.

Hindi lang bigas, lahat na yata ng bilihin sa palengke at supermarkert ay napakataas. Kulang na kulang ang karampot na P30 itinaas sa arawang suweldo.

At hanggang ngayon, umaaray ang mga motorista sa patuloy na pagtaas ng krudo at gasolina. Para nga naman wala nang maiingay na jeepney drivers sa isyung ito, tinatangka silang i-phase out sa pamamagitan ng modernization kuno.

Kaakibat ng pagsirit ng presyo ng produktong petrolyo ang mataas na halaga ng mga bilihin.

Pinagtatakpan ito sa pamamagitan nang pamamahagi ng kakatiting o pansamantalang ayuda sa mahihirap, magsasaka at manggagawa.

Patuloy pa rin ang paglaganap ng droga at krimen kaugnay nito. Natural, hindi ito aaminin ni Bongbong.

Malaki kasing kasinungalingan ang ipinapakalat ng kanyang rehimen na “bloodless” na kampanya ng kanyang mga pulis laban sa droga.

Ayon sa Dahas project ng UP Third World Studies Center, umabot sa mahigit 700 ang pinaslang sa giyera kontra-droga ni Marcos Jr.

Huwag din siyang mambobola ukol dito sa isyu ng West Philippine Sea.

Sa “pagpapakatuta” ng kanyang gobyerno sa US, tiyak na milyun-milyong dolyar o bilyon-bilyong piso ang inilalaan para sa giyera laban sa mamamayan.

Ang nais namin ay tunay na pagpoprotekta sa soberanya ng bansa at hindi pagpoprotekta sa interes ng kanyang mga kapanalig at pamilya.

Pangatlong SONA na, ang hinahanap namin Pangulong BBM ay totoong SONA o tunay na kalagayan ng bansa at hindi pulos pambobola!