MANILA, Philippines – Itinanggi ni suspended Negros Oriental Representative Arnolfo “Arnie” Teves Jr. nitong Miyerkules, Mayo 24, na sangkot siya sa pagbaligtad o pagbawi ng testimonya ng mga suspek sa pagkamatay ni Negros Oriental Governor Roel Degamo.
“Again, anything— Wala ako. Hindi ko nga— Basta anything legal just refer to my lawyer please,” ani Teves sa panayam ng DZBB.
“Paano ako magkakaano doon na ang layo-layo ko. Hindi ko nababalitaan yung mga bali-balita. Ang sa akin lang, doon lang tayo sa katotohanan,” dagdag niya.
Kung babalikan, nauna nang bumaligtad ang isa sa mga suspek sa pagpatay na si Osmundo Rivero nitong Lunes, at nagsabing wala siyang alam sa nangyaring assassination.
Sinabi rin nito na hindi niya kilala si Teves at ang dating bodyguard nito na si Marvin Miranda, isa pa sa itinuturong mastermind.
Matatandaan na si Teves din kasi ay inakusahan ng DOJ bilang mastermind sa pagpatay kay Degamo.
Samantala, sa sumunod na araw, sinabi ng legal counsel ni Rivero na si Danny Villanueva, na tatlo iba pang suspek ang nagbawi na rin ng kanilang testimonya.
Hanggang ngayon ay hindi pa rin umuuwi ng bansa si Teves dahil umano sa takot sa banta sa kanyang buhay. RNT/JGC