Home NATIONWIDE Wala pang napipisil na kapalit ni VP Sara bilang DepEd Sec –...

Wala pang napipisil na kapalit ni VP Sara bilang DepEd Sec – Garafil

MANILA, Phiippines- Wala pa ring napipili si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na magiging kapalit ni Vice President Sara Duterte na nagbitiw sa tungkulin bilang kalihim ng Department of Education (DepEd).

Sa isang text message sa mga mamamahayag, sinabi ni Communications Secretary Cheloy Garafil na wala pang maitalaga si Pangulong Marcos na tatayong officer-in-charge (OIC) na hahalili sa posisyon ni VP Sara sa oras na mapaso ang kanyang 30-day notice sa Hulyo 19.

Sa ngayon, patuloy naman na aakto si VP Sara bilang pinuno ng DepEd.

“Sa July 19 pa effectivity ng resignation niya; wala pa OIC,” ayon kay Garafil.

Napaulat na dumating si VP Sara sa Malakanyang, araw ng Miyerkules, para personal na makapulong si Pangulong Marcos at iabot ang resignation letter na tinanggap naman ng huli.

Hindi naman nagbigay ng anumang dahilan si VP Sara sa pagbibitiw niya sa kanyang Cabinet post.

Samantala, sinabi ni VP Sara na ang kanyang pagbibitiw bilang kalihim ng DepEd ay hindi dahil sa “kahinaan.”

“Ang aking pagbibitiw ay hindi lulan ng kahinaan kundi dala ng tunay na malasakit para sa ating mga guro at kabataang Pilipino,” giit niya.

Bukod sa pagiging kalihim ng DepEd, nagbitiw din si VP Sara bilang vice chairperson ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC). Kris Jose