Home OPINION WALANG CHRISTMAS LIGHTS, KAROLING PERO MAY KOTONG

WALANG CHRISTMAS LIGHTS, KAROLING PERO MAY KOTONG

NAPANSIN lang ng Lupa’t Langit na walang gaanong kinang ang Pasko ngayon.

Dati-rati kasi, mga brad, dalawang buwan bago ang Kapaskuhan, nagliliwanag o may patay-sindi nang mga ilaw ang maraming tahanan.

Ngayon, nakikitang pasingit-singit na lang ang mga meron nito at kahirapan sa buhay ang idinadahilan.

Kakaiba rin ang pakiramdam sa kawalan na ng mga sunod-sunod na nagkakaroling na bata, araw man o gabi.

Kung meron mang mga gumagalang bata, karaniwan nang araw mismo ng Pasko o Disyembre 25 at karay-karay ng isang may edad, kasama ang ilang batang kamag-anak o kapitbahay at siya ang may hawak sa koleksyon. Hmmmm!

Sa totoo lang, napakarami na rin ang hindi Katoliko at hindi naniniwala sa ipinagdiriwang na Pasko at kung makipagdiriwang man, ‘yung magtinda ng mga prutas at iba pang pinagkakagastusan ng mga Katoliko ang pinagkakabalahan para sila kumita.

Todo-iwas din ang mga dyip para isakay ang sandamukal na bata dahil sa dalawa o tatlong grupo lang, puno na ito at feeling malas ang tsuper dahil libre ang mga bata sa pamasahe.

Kung bakit naman na sa kabila ng habilin ng mga pinuno ng mga pulis at local government unit, ang dami ring nagpapara sa mga pampasaherong sasakyan na mga pulis at traffic enforcer para manghuli ngunit katapat ng P50-P150 ang pakimkim sa mga ito para hindi maabala ang biyahe.

Pero bawat kanto, eh, may nagpapara kaya tumitigil na lang ang mga tsuper sa pamamasada sa pagkalugi at kinakambalan pa ng pagbahay-bahay ng mga may pampasaherong sasakyan ng mga peke at tunay na mga traffic enforcer.

Good news naman ang Kapaskuhan sa iba dahil may mga nalilikhang pagkakitaan na matapos nito, wala na ulit.

Tanging ang umasa at magdasal sa Diyos na gaganda ang susunod na taon ang kanilang kinakapitan.

Sa gitna ng lahat, Meri Krismas pa rin po nga awan labas na kadakayo amin.

Previous articleP40 MILYON SHABU SA ILOILO
Next articleP530M lotto jackpot ‘di pa rin napanalunan – PCSO