MANILA, Philippines – Walang nakikitang taas-presyo sa bigas ang Department of Agriculture hanggang sa unang bahagi ng 2024, ayon kay
Assistant Secretary Arnel de Mesa.
Ani De Mesa, walang senyales ng pagtaas sa presyo ng bigas sa bansa dahil sapat ang suplay ng regulat at well-milled rice sa kasalukuyan.
“Mataas, o bumper ‘yung ating harvest ngayong wet season, magmula po noong katapusan ng Agosto, ngayong Setyembre, hanggang Oktubre, hanggang sa Nobyembre po, wala po tayong inaasahan na pagsipa pa ng presyo [ng bigas],” sinabi ng opisyal.
Binanggit din ni De Mesa ang paparating na karagdagang rice imports, na inaasahang madami pa rin hanggang sa huling bahagi ng taong kasalukuyan.
“Maasahan po natin na talagang sapat at maganda at matatag po ang supply ng bigas natin – na maaasahan po natin na hanggang sa pagpasok po ng susunod na taon na 2024,” giit ni De Mesa.
“Inaasahan po natin na ngayong Oktubre ang pinakamadami na maha-harvest po ngayong panahon ng wet season. Dahil po dito, pwedeng pumalo ang national inventory stocks hanggang 77 days ngayong buwan ng Oktubre, at sa buwan po ng Nobyembre, sa katapusan ng pag-aani para sa wet season, asahan po natin na papalo po ito ng 94 days,” pagbabahagi pa niya.
“Wala pa po dito yung [rice] imports, so maaasahan po natin na maganda at malaki po yung national inventory natin ng bigas,” dagdag pa niya. RNT/JGC