MANILA, Philippines- Pinanindigan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na walang umiiral na kasunduan sa pagitan ng Pilipinas at China para alisin ang BRP Sierra Madre mula sa Ayungin Shoal.
Taliwas ito sa sinabi ng Tsina na nangako ang Pilipinas na aalisin nito ang nasabing military vessel.
“I’m not aware of any such arrangement or agreement that the Philippines will remove from its own territory its ship, in this case, the BRP Sierra Madre from the Ayungin Shoal,” ayon kay Pangulong Marcos.
Ang pahayag na ito ng Punong Ehekutibo ay matapos muling manawagan ng Chinese government sa gobyerno ng Pilipinas na alisin ang BRP Sierra Madre mula sa Ayungin shoal, na nasa exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas simula pa noong 1999 at nagsilbing simbolo ng “sovereignty rights and jurisdiction” ng bansa.
Binigyang-diin pa ng Punong Ehekutibo na kung mayroon mang anumang commitment o kasunduan sa pagitan ng Pilipinas at China hinggil sa pag-alis ng BRP Sierra Madre mula sa Ayungin Shoal ay pinawawalang-bisa na niya ito ngayon.
“And let me go further, if there does exist such an agreement, I rescind that agreement now,” diing pahayag ni Pangulong Marcos. Kris Jose