Home OPINION WALANG LIGTAS NA LUGAR SA DIGMAAN

WALANG LIGTAS NA LUGAR SA DIGMAAN

HINDI biro-biro ang digmaan sa Gaza-Israel.

Malayo ito sa mahal kong Pinas ngunit may epekto na sa atin.

Una ang pagmamahal ng langis sa Gitnang Silangan na kapag dumating sa Pinas, nagmamahal na rin.

Ikalawa ang pag-uwi ng mga Pinoy mula sa Gaza at Israel na naiipit sa digmaan.

Bawat uwi ng overseas Filipino worker, bawas-remittance o padala sa kanyang pamilya at may epekto ito sa pag-aaral ng mga bata, pagpapagamot ng maysakit, laman ng sikmura, problema sa pabahay, tubig, kuryente at iba pa.

Bawas-kita rin ang mararanasan ng pamahalaan sa dayuhang salapi na gamit sa import-export ng Pinas para sa negosyo at pangangangailangang Pinoy.

KAPAG NAGKAMALI

Kapag nagkamali sa polisiya ang Pinas sa pagtrato sa digmaan, walang nakatitiyak sa usaping gulo mismo sa Pinas na malilikha.

Heto ang mga palatandaan.

Sa London, daang libo ang nagmamartsa laban sa digmaan habang libo-libo rin ang nagmamartsa sa Australia.

Ganito rin ang nasasaksihan sa iba pang mga bansa, kasama na ang United States, France, Germany, Canada, Ireland at iba pang mga bansang may mga Moslem na mamamayan.

Sa US, may pinatay nang Moslem na bata habang pinatay rin ang isang babaeng lider ng synagogue o simbahang Israelita.

Dahil Moslem sila, ang batang lalaki ay sinaksak ng 26 na agad nitong ikinamatay, habang mahigit 12 dosena naman ang tinamong saksak ng kanyang nanay makaraang pasukin sila ng kanilang landlord na Kano sa loob ng inuupahan nilang bahay.

Pinagsasaksak din si Samantaha Woll, pangulo ng Israelitang  Isaac Agree Downtown Synagogue  sa labas ng kanyang bahay sa kabila ng aktibo nitong pagyakap at gawaing pagkakasundo ng mga kabataang Moslem at Israelita.

May mga death threat naman ang ilang mambabatas sa US na may dugong Israelita o Moslem.

At ganito rin ang nagaganap sa iba pang mga bansa.

MAGBANTAY SA PINAS

Napakaganda ang nasimulan ni ex-President Digong Duterte para sa pagkakasundo at pagkakaisa ng mga Moslem, Kristiyano at iba pang lahi makaraan ang madugong digmaan sa Marawi City sa Mindanao.

May natitira pang mga kaaway ng pamahalaan na may dalang radikal na paniniwala.

Hindi pa ganap na napapawi ang banta mula sa mga ito sa kapayapaan at kaayusan sa bansa.

Kapag lumala at lumawak ang digmaan sa Israel at magiging malinaw ang mga kampihan at labanan sa isa’t isa, maaari ring magkaroon ng mga sigalot sa loob ng Pilipinas.

Kaya, ngayon pa lang, dapat nang paghandaan ito ng ating pamahalaan at mamamayan.

Napatunayan nang higit na niyayakap ng mga kapatid na Moslem ang kapayapaan at pagkakasundo-sundo ng lahat kaysa digmaan o kaguluhan.

Ngunit maaaring susulpot ang mga pangyayaring sisira sa kalagayang ito.

Maaaring may mga indibidwal o grupong magsisindi ng mitsa para sirain ang mapayapang pamumuhay ng lahat.

Magtulong-tulong tayo lahat laban sa anomang kaguluhang maaaring likhain ng giyerang Hamas-Israel.

Previous articleLotto Draw Result as of | October 22, 2023
Next articleBulkang Bulusan nag-alboroto!