Home NATIONWIDE Walang mass grave sa NBP – Catapang

Walang mass grave sa NBP – Catapang

MANILA, Philippines- Inihayag ni Bureau of Corrections Director General Gregorio Catapang Jr. na walang mass grave at walang nakuhang katawan ng tao sa mga septic tank sa loob ng New Bilibid Prisons (NBP).

Sinabi ni Catapang na ito ang resulta ng isinagawang pagsusuri ng mga forensic expert mula sa University of the Philippines sa mga laman ng mga septic tank sa piitan.

Aniya, negatibo sa human remains ang tatlong septic tank sa compound ng Bilibid.

Isinumite na ng BuCor sa Senado at sa Department of Justice ang resulta ng forensic analysis na isinagawa ng UP at ng National Bureau of Investigation (NBI).

Una nang lumutang ang hinala ng pagkakaroon ng mass grave sa NBP matapos madiskubre umano ang mga buto ng hinihinalang preso.

Lumabas sa hearing ng Senado noong August 8 na buto ng manok at hindi ng tao ang nahukay sa isa sa mga septic tank ayon sa NBI.

Ikinatuwa naman ng DOJ ang naging resulta ng forensic analysis.

Ayon kay DOJ Spokesperson Mico Clavano, masaya sila dahil walang katotohanan ang pinangangambahan nila na isyu sa Bilibid. Teresa Tavares

Previous articleMayors for Good Governance inilunsad sa QC
Next articleDOJ bumuo ng tracker team na tutunton sa nawawalang Chinese national