Home NATIONWIDE Walang nakaambang water crisis sa 2024 sa gitna ng El Niño –...

Walang nakaambang water crisis sa 2024 sa gitna ng El Niño – MWSS

MANILA, Philippines- Taliwas sa inaasahan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), inihayag ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) ang kumpiyansa nitong Martes na sapat ang water supply para sa susunod na taon sa kabila ng banta ng El Niño.

“Isang taon po natin itong pinaghahandaan. Nakapag-ipon po tayo at umabot pa ng above our target elevation na 212 meters, meaning magiging kampante tayo sa onset ng El Niño,” pahayag ni MWSS District Manager Engineer Patrick Dizon sa ulat.

Nagbabala ang DENR sa potensyal na isyu sa water supply sakaling hindi makapag-imbak ng tubig ang publiko sa kasagsagan ng El Niño phenomenon.

Ani Dizon, bagama’t mas mababa ang lebel ng tubig sa Angat Dam kumpara sa normal operating level na 180 meters sa peak ng El Niño, madaragdagan ang supply pagsapit ng tag-ulan sa Hunyo ayon sa state weather bureau PAGASA.

Subalit, sinabi ng PAGASA na depende ang rainfall predictions sa aktuwal na haba ng El Niño dry spell.

“Nakikita natin by June ay ENSO (El Niño-Southern Oscillation)-neutral conditions na. Ibig sabihin po, papawala na ‘yung El Niño at sabi po natin, around April ‘yung possible peak ng epekto ng El Niño. Huwag lang po talaga magpo-prolong na ‘yung aasahan natin ‘yung onset ng rainy season tapos hindi siya darating, or dumating man ‘yung tag-ulan pero magkakaroon ng monsoon break [o paghinto sa pag-ulan],” ani Ana Liza Solis, PAGASA spokesperson para sa El Niño.

Sakaling tumagal ang El Niño phenomenon, magpapatupad ang MWSS ng mga alituntunin upang maiwasang maulit ang 2019 water crisis.

“Sa ngayon po, meron na tayong augmentation measures na nagawa, [gaya ng pagtayo ng] additional water treatment plants, mga deep well, [at] mga reduction sa ating non-revenue water. Kaya na pong ma-sustain o mapunan ‘yung kabawasan ng allocation na nanggagaling sa Angat Dam,” wika ni Dizon.

Inihayag naman ng water concessionaires Maynilad at Manila Water na handa ang kanilang pasilidad na magbigay ng rekisitos para sa karagdagang tubig sakaling kailanganin ito. RNT/SA

Previous articleOFWs sinalubong ng OWWA sa NAIA
Next articleDOLE nakapagbigay ng 3.5M trabaho sa ilalim ng TUPAD program