
MAGPASALAMAT tayo sa Maykapal kung totoong walang namatay na Pinoy sa Libya makaraang salakayin ito ng delubyo mula sa ulan ng bagyong Daniel at tubig-baha mula sa dalawang dam na sumabog.
Pero mabuti pa ring alamin nang husto ang katotohanang ito dahil baka may mga tago-nang-tago o TNT na Pinoy roon.
Ang sabi ng Department of Foreign Affairs, may 90 Pinoy sa Derna City na naapektuhan ngunit walang nasawi sa kanila at sa katunayan, araw-gabi na silang nagtatrabaho sa relief operations lalo’t karamihan sa mga ito ang medical practitioner gaya ng mga doktor at nars.
10% ANG DAYUHAN
Sa rekord ng mga awtoridad, 10 porsyento sa 10,000 dayuhan ang posibleng namatay at hindi o halos hindi makilala ang mga ito dahil natabunan sila ng putik at winasak ang katawan ng mga debris, kasama ang mga nagibang bahay o istruktura.
Sa huling ulat, may mahigit nang 400 bangkay ng mga dayuhan na narekober ng mga search and rescue team mula sa Libya at mula sa iba’t ibang bansa.
Posible rin umanong kinain na ng mga hayop sa dagat ang maraming bangkay na naanod sa karagatan at hindi na maisasama sa bilang ng mga biktima habang natagpuan ang ibang mga bangkay na lumulutang sa dalampasigan o sa gitna ng dagat.
Karamihan umano sa 10,000 dayuhan ang nakatira malapit sa dagat at pier kaya naman sila at ang mga Libyan sa lugar ang labis na napinsala ng delubyo.
Muli, tatanungin natin, wala ba talagang namatay na Pinoy roon?
Wala tayong tiyak na kasiguruhan lalo’t sinasabi ng mayor ng Derna City na may 11,300 nang patay at maaaring lalagpas sa 20,000 ang pinal na bilang ng mga ito.
Ito’y sa kabila ng bilang ng International Organization for Migration na nasa 4,000 pa lang ang nasasawi.
Sana nga walang nasawing Pinoy, pero kung mayroon man, dapat umaksyon agad ang pamahalaan at ayudahan ang mga pamilya ng mga ito, nasa Pilipinas man o nasa Libya.
MAGHANDA RIN SA PINAS
Napakaraming dam sa Pinas na maaaring gumuho o sumabog pagdating ng malalakas at siyam-siyam na ulan mula sa tag-ulan, habagat at bagyo.
Maaari ring may sasabay na lindol sa mga ito at maaari ring maganap ang sakuna sa gabi gaya ng nangyari sa Libya at Morocco.
Sinasabing may 17 na malalaking dam sa Pinas at karamihan sa mga ito ang matatagpuan sa Luzon gaya ng Angat dam, Ambuklao dam, San Roque dam at Magat dam habang nasa Mindanao naman ang Agusan dam sa Bukidnon at limang iba pa at nasa Visayas ang Mambusao at Capayas dams.
Nakahanda na ba tayo sa delubyo at kalamidad sa baha at lindol?
Nasaan ang mga pagsasanay, samahan at malawakang impormasyon at babala ukol sa mga ito?