Home NATIONWIDE Walang problema sa suplay ng bigas sa Pinas – PBBM

Walang problema sa suplay ng bigas sa Pinas – PBBM

Photo from PNA

MANILA, Philippines – Sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. nitong Sabado na walang problema ang bansa sa supply ng bigas, sa halip ay nahaharap sa mga isyu tungkol sa pamamahagi nito.

“Ang dami pa rin kulang sa pag-distribute. Marami naman tayong bigas. Hindi lang nailalabas nang tama,” ani Marcos sa kanyang talumpati sa Iriga City, Camarines Sur.

“Kaya’t hindi problema ang supply sa atin dito sa Pilipinas. Sabi ng Department of Agriculture ay mas malaki ang ani natin ngayong taon kaysa sa nakaraan kaya’t sa production side naman ay nagiging maayos,” aniya pa.

Nangako si Marcos na pahusayin ang sistema ng agrikultura sa bansa mula sa pagtatanim, pananaliksik at pagpapaunlad at pagproseso, hanggang sa pamamahagi, marketing at retail.

“Kaya’t ginagawa natin ay binubuo natin lahat ‘yan. Sana naman sa lalong madaling panahon ay makikita na natin at mararamdaman na natin ‘yung pagbabago na ‘yan na pinag-uusapan natin,” pagsisiguro ni PBBM.

Sa hiwalay na panayam sa isang ambush interbyu, sinabi ni Marcos na imposibleng magkaroon ng paggalaw sa presyo ng agrikultura nang hindi naaapektuhan ang ibang sektor.

“Imposibleng may galaw ang presyo ng kahit ano na agrikultura at hindi maapektuhan ang ibang sektor… Pagkagalaw ‘yung agriculture — kaya ‘yan ang inuuna natin. Dahil hindi natin kayang gawin ‘yung gusto nating gawin kung hindi tayo mag-aayos ng ating agrikultura,” aniya.

Nauna nang inaprubahan ni Marcos ang pagpapataw ng price ceiling sa bigas sa buong bansa sa gitna ng pagtaas ng presyo sa mga lokal na pamilihan. RNT

Previous articleMultiple organ changes epekto ng Long COVID
Next article#WalangTubig sa QC, Taytay mula Sept. 24-28