Home METRO Wanted na Indonesian nat’l naaresto ng BI

Wanted na Indonesian nat’l naaresto ng BI

MANILA, Philippines – INARESTO ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang isang lalaking Indonesian na pinaghahanap ng mga awtoridad sa Jakarta dahil sa pagkakasangkot nito sa human trafficking.

Kinilala ni Immigration Commissioner Norman Tansingco ang nahuling pugante na si Aris Wahyudi a.k.a. Romeo, 43-anyos, na inaresto noong Pebrero 20 sa kahabaan ng Salcedo Street, Legaspi Village, Makati City ng mga miyembro ng fugitive search unit (FSU) ng BI.

Nabatid na naglabas ng mission order si Tansingco sa pag-aresto kay Wahyudi matapos makatanggap ng impormasyon mula sa gobyerno ng Indonesia na humingi sa kanya ng deportasyon upang siya ay maharap sa paglilitis para sa mga krimen na ginawa umano niya sa kanilang bansa.

Napag-alaman na si Wahyudi ay napapailalim sa warrant of arrest na inisyu ng Indonesian national police noong Enero 18 dahil sa umano’y crime of trafficking in persons.

Partikular na kinasuhan si Wahyudi dahil sa paglabag sa isang probisyon sa Eradication of the Crime of Trafficking in Persons law ng Indonesia na naglalayong magbigay ng proteksyon sa mga migranteng manggagawa ng Indonesia.

Inakusahan ng mga awtoridad na si Wahyudi ay nagpapatakbo ng isang human trafficking syndicate na ilegal na nagre-recruit at nagpopondo sa mga Indonesian na na-traffic para magtrabaho sa Cambodia nang walang wastong work permit.

Sinabi ni Tansingco na ipapa-deport si Wahyudi sa sandaling maglabas ng utos ang BI board of commissioners para sa kanyang summary deportation.

“As a foreigner accused of human trafficking, his presence here poses a serious risk to our poor countrymen who might also fall prey to his illegal scheme,” ani Tansingco.

Aniya, ang nabanggit na Indonesian ay ide-deport dahil sa pagiging undesirable at undocumented alien dahil ang kanyang pasaporte ay nag-expire na noong Agosto 2023.

Si Wahyudi ay kasalukuyang nasa pasilidad ng BI warden sa Camp Bagong Diwa, Taguig habang nakabinbin ang mga paglilitis sa deportasyon nito. JAY Reyes

Previous article5 suspected NPAs, 1 pulis patay sa sagupaan sa Bohol
Next articleRescue dog sa Maco landslide kinilala ni VP Sara