Home NATIONWIDE Wanted na Korean trader naaresto ng BI sa NAIA

Wanted na Korean trader naaresto ng BI sa NAIA

MANILA, Philippines – INARESTO ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang isang South Korean businessman na wanted ng mga awtoridad sa Seoul dahil sa economic crimes.

Sinabi ni Immigration Commissioner Norman Tansingco na ang 54-anyos na si Ahn Youngyong ay naharang sa NAIA terminal 1 noong Hunyo 23 bago pa man ito sumakay sa Philippine Airlines flight papuntang Shanghai, China.

“He was not allowed to leave and was instead arrested after his name prompted a hit in our derogatory check system indicating that he is a wanted fugitive in his country,” ani Tansingco.

Dinala si Ahn sa BI detention facility sa Taguig City kung saan siya mananatili habang naghihintay ng deportasyon.

Batay sa rekord, si Ahn ay inilagay sa watchlist ng BI matapos siyang sampahan ng kasong deportasyon dahil sa pagiging undesirable na nagmula sa kasong kriminal na isinampa laban sa kanya sa Korea.

Nabatid na nauna nang ipinaalam ng Korean embassy sa Manila sa BI na may warrant of arrest si Ahn na inisyu ng Seoul eastern district court noong Abril 1, 2024 dahil sa paglabag sa marketing disturbances.

Inakusahan ng mga awtoridad ng Korea na sa pagitan ng Pebrero at Setyembre 2018, nagpakalat si Ahn ng maling impormasyon tungkol sa capital investment, joint development at pagbebenta ng mga gamot na immune-anti cancer, pagkumpleto ng paglipat ng teknolohiya, at ng isang bio-company sa US.

Ang aksyon ay naging sanhi ng pagtaas ng presyo ng bahagi ng gamot sa Korean stock market, kaya nabigyang-daan ang tagagawa nito na makakuha ng hindi patas na tubo na higit sa 63.1 bilyong won, o halos US$44 milyon. Jay Reyes