MANILA, Philippines – NAGWAKAS na ang halos isang taon pagtatago sa batas ng isang delivery rider na kabilang sa talaan ng mga “Most Wanted Person” ng Northern Police District (NPD) matapos siyang madakip ng pulisya sa isinagawang manhunt operation sa Caloocan City.
Kinilala ni NPD District Special Operation Unit (DSOU) chief P/Lt. Col. Robert Sales ang naarestong akusado bilang si Elvin Rodriguez, 23, ng 281 BMBA Compound, 4th Avenue, Brgy. 118 ng lungsod.
Base kay Lt. Col. Sales kay NPD District Director P/BGen. Rizalito Gapas, nagsagawa ng palihim na paniniktik sa naturang lugar ang kanyang mga tauhan sa pangunguna ni P/Lt. Armando Pandeagua, Jr. nang makatanggap sila ng impormasyon na nagbalik sa naturang lugar si Rodriguez matapos ang halos isang taong pagtatago.
Kaagad nagsagawa ang mga tauhan ng DSOU ng manhunt operation na nagresulta sa pagkakaaresto kay Rodriguez sa kanyang tinutuluyang bahay dakong alas-5:30 ng hapon.
Si Rodriguez ay wanted sa kasong murder at may nakabinbing warrant of arrest na inilabas laban sa kanya si Presiding Judge Rodolfo P. Azucena, Jr. ng Caloocan City Regional Trial Court (RTC) Branch 125 noong Oktubre 21, 2022.
Pansamantalang nakapiit sa NPD-DSOU Custodial Facility Unit si Rodriguez habang hinihintay pa ang paglalabas ng commitment order ng hukuman para sa paglilipat sa kanya sa Caloocan City Jail. R.A Marquez