MANILA, Philippines – Sumiklab ang sunog sa isang warehouse sa Barangay Bagumbayan, Taguig City nitong Martes ng gabi, Hulyo 4.
Nagsimula ang sunog bandang alas-11 ng gabi sa warehouse na matatagpuan sa Arturo Drive.
Ayon sa Bureau of Fire Protection-Taguig City, nang dumating ang mg bumbero sa lugar ay halos natupok na ng sunog ang malaking bahagi ng gusali.
“Sa initial investigation po natin, sa nakalap nating information sa warehouseman, nakita daw niya na biglang lumiwanag ang bandang likod ng warehouse. So doon niya tinutumbok na maaaring nagmula ‘yung apoy,” sinabi ng BFP.
Mabilis namang kumalat ang apoy dahil ang warehouse ay imbakan ng styro products.
“Very challenging, kasi ‘yung nasusunog ay styro products kung saan nag-e-emit siya ng mga fumes, makakapal na usok. Hindi natin agad ma-penetrate ang area at matumbok ‘yung pinagmulan ng apoy,” saad pa ng BFP.
Inabot naman ng tatlong oras bago tuluyang naapula ang sunog.
Aabot naman sa P12 milyon ang pinsala sa naturang warehouse. RNT/JGC