MANILA, Philippines – NAGPALABAS na ng warrant of arrest ang Regional Trial Court sa Calapan City, Oriental Mindoro, laban sa di umano’y gunman ng radio broadcaster na si Cresenciano “Cris” Bundoquin na binaril at napatay noong umaga ng Mayo 31, 2023.
Ayon sa Presidential Task Force on Media Security, ang warrant para sa “murder at attempted murder” laban kay Isabelo Lopez Bautista ay nilagdaan noong Hulyo 6, 2023 ni Judge Josephine C. Caranzo, Presiding Judge, Branch 39, Regional Trial Court ng Calapan City.
Si Bautista ay positibong nakilala ng tatlong testigo bilang bumaril at pumatay kay Bundoquin dakong alas- 4:20 ng madaling araw noong Mayo 31 habang ang biktima, kasama ang kanyang asawa at anak ay magbubukas ng kanilang tindahan sa Brgy. Sta. Isabel, Calapan City.
Si Bundoquin ay isang radio blocktimer sa Kalahi News FM sa Calapan City.
Nasawi naman ang umano’y kasabwat ni Bautista na si Narciso Ignacio Guntan nang habulin ito ng anak ni Bundoquin na si John Mar. Nahulog sa motorsiklo’t nabagok ang ulo ni Guntan.
Sinabi ni John Mar na maging siya ay binaril ni Bautista dahilan para sampahan ng frustrated murder si Bautista.
Tinatayang P120,000 naman ang bail bond na itinakda ng korte para sa isinampang attempted murder laban kay Bautista habang “no bail” naman ang inirekomenda para sa akusasyon ng pagpaslang laban pa rin sa kanya.
Noong Hunyo 27, si Bautista, kasama ang kanyang asawa at kapatid ay lumutang sa Maynila at boluntaryong ipinresenta ang sarili sa National Bureau of Investigation (NBI) para sa protective custody.
Patuloy namang pinapanatili ni Bautista ang kanyang pagiging inosente sa krimen.
“With the issuance of the warrant of arrest, the process of rendering justice to Bundoquin and extracting the truth behind his death can now begin,” ayon kay PTFoMS Executive Director Paul M. Gutierrez sabay sabing “This would also give an opportunity for Bautista to prove his innocence as he claims before the proper channel, which is our court of law.”
Sa kabila ng mga development, sinabi ni Gutierrez na patuloy na mangangalap ang PTFoMS ng mga ebidensiya na magiging daan para mahubaran ng maskara ang iba pang posibleng suspek na nasa likod ng pagpaslang kay Bundoquin.
“We continue to maintain that the killing of Bundoquin cannot be simply explained by the alleged ‘personal grudge’ against him by his attackers,” ang wika ni Gutierrez sabay sabing “There may be a deeper motive that can only be explained by more evidence.”
Idinagdag pa nito na ang tamang arrangement at coordination ay ginagawa na ngayon ng kanyang tanggapan sa NBI at sa Special Investigation Task Group (SITG) na nilikha ng Philippine National Police na pinamumunuan ni Oriental Mindoro police director, P/Col. Samuel Delorino, para sa ligtas at maayos na paglilipat ni Bautista para sa presentasyon sa harap ni Judge Caranzo. Kris Jose