Home NATIONWIDE Warrant vs Fil-Chinese businessman inilabas

Warrant vs Fil-Chinese businessman inilabas

Manila, Philippines- Naglabas ng warrant of arrest ang Metropolitan Trial Court ng Taguig City laban sa isang Fil-Chinese businessman matapos hindi siputin ang kanyang arraignment sa korte sa kasong grave coercion na isinampa ng kanyang dating business partner.

Sa 2-pahinang desisyon, inatasan ni Hon. Judge Allan Ariola, acting presiding judge ng Branch 115 ang pag-aresto kay Richard Lim, kilala rin bilang “Lin Jin” sa Chinese community, matapos na hindi magpakita sa korte sa kanyang arraignment na itinakda kamakalawa ng umaga.

Nabatid na umalis ng bansa si Lim/Lin Jin nitong Sabado kahit batid nito ang kanyang schedule sa korte.

Itinakda ng korte ang halagang P36,000.00 bilang piyansa ni Lin Jin, kasabay ng utos sa public prosecutor ng Department of Justice na resolbahin ang mosyon ng akusado sa desisyon ng DOJ na sampahan siya ng kasong grave coercion. Muling itinakda ang pre-trial at arraignment ni Lin Jin sa Hunyo 24, 2024.

Sa resolusyon noong Mayo 23, una nang kinatigan ng korte ang DOJ na sampahan ng kasong grave coercion si Lin Jin batay naman sa orihinal na reklamong kidnap for ransom na isinampa ni Eric Lim, isang Chinese businessman na dating kapartner ni Lin Jin.

Ani Judge Ariola, isang full-blown trial ang kailangan upang lumabas ang katotohanan kung may katotohanan ang mga akusasyon ni Eric Lim laban kay Lin Jin.

Sa kanyang reklamo sa DOJ noong Hulyo 7, 2023, sinabi ni Eric Lim na “dinukot” siya ng mga armadong kalalakihan habang nagbabakasyon sa isang beach resort sa Batangas noong Agosto 19, 2022.

Sa kanyang salaysay, sinabi ni Eric Lim na nagbayad siya ng “ransom” na P100 milyon kay Lin Jin para sa kanyang kalayaan. Ibinigay rin umano niya kay Lin Jin ang majority share sa kanyang kompanya matapos siyang bantaan na papatayin pati ang kanyang pamilya.

Sa pag-aaral naman ng DOJ sa reklamo, sinabi nito na bagaman hindi kumpleto ang mga elemento ng kidnap for ransom laban kay Lin Jin, may sapat na batayan upang ipagsakdal siya sa kasong grave coercion.

Sa maikling pahayag, sinabi ni Eric Lim na bagaman hindi siya kontento sa rekomendasyon ng DOJ, pinatunayan nito na may katotohanan ang kanyang salaysay hinggil sa kanyang dinanas sa kamay ni Lin Jin at mga tauhan nito. RNT