Home OPINION WASTONG PAGBABADYET

WASTONG PAGBABADYET

IPINASA na ng Kamara de Representates ang panukalang batas para sa 2024 na Pambansang Badyet.  Sa botong 296 ang pabor at 3 na tutol, nakuha ng gobyerno ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pinakamataas na badyet sa kasaysayan natin, sa halagang 5.768 trilyong piso.

Palagi naman talagang tumataas ang pambansang badyet taon-taon, at marami naman basehan ang ganitong kalakaran.  Tumataas ang presyo ng mga bilihin, dumadami ang mga empleyado ng gobyerno, nadadagdagan ang mga serbisyo ng pamahalaan at tumataas ang populasyon ng Pilipinas.

Kung napupunta sa sebisyong-publiko at kapakinabangan ng maraming Pilipino, okay lang na tumaas at madagdagan ang badyet ng bansa.   Kaya nga tayo nagbabayad ng buwis, para maging maayos ang paglilingkod ng gobyerno sa mga mamamayan.

Pero kung ang pambansang badyet ay tadtad ng mga confidential at intelligence funds o CIF, hindi mo masisisi ang maraming kritiko na pagdudahan kung ang pagmamadali sa pagpasa ng badyet ay may sapat na katinuan o katalinuhan.

Hindi nasagot nang malinaw ang mga batikos laban sa panukalang badyet.

Bakit tinapyasan ang badyet para sa public hospitals at State Colleges at Universities?

Bakit meron malaking CIF ang Office of The Vice-President at ang Dept. of Education, kung hindi naman malaking bahagi ng trabaho ng mga opisinang ito ang pagmamatyag  at pagkalap ng impormasyon pang-seguridad (intel gathering on security matters)? Bakit mas malaki pa ang CIF ng OVP sa mga aktwal na opisina ng gobyerno na mayroong “intelligence functions”?

Hindi ba mas kailangan ng Philippine Coast Guard at ng Philippine Navy ang CIF, para mas masinop at epektibo ang pagbabantay natin sa West Philippine Sea?

Kahit nga ang lampas na isang bilyong piso na travel fund ng Office of the President ay hirap maipaliwanag, lalo na nga sa gitna nang bumabang pamumuhunan sa bansa natin.

Ayon sa datos mismo ng gobyerno, bumaba ang foreign direct investment sa unang kalahati ng 2023, kahit na nga ba ang laki nang nagastos ni Pangulong Bongbong sa mga byahe na, aniya, ay para umakit ng mga mamumuhunan.

Sa katapusan, umaasa tayo na pagdating sa Senado, mananaig ang matalinong debate para maiwasto ang mga prayoridad at alokasyon ng pera natin para sa 2024 na badyet.

Previous articleLUNOK
Next articleWPS, SMUGGLED RICE, POGOS ETC.