
INILABAS ng Office of the President ang Memorandum Circular No. 22 na nag-uutos sa lahat ng national government agencies kabilang ang GOCCs o government-owned and controlled corporations at SUCs o state universities and colleges na magbawas ng kanilang konsumo ng tubig.
Batay sa kautusan ni Executive Secretary Lucas Bersamin, bahagi ito ng water conservation measures na ginagawa ng pamahalaan kaugnay sa inaasahang pagtama ng El Niῇo phenomenon.
Ang Water Resources Management Office na nasa ilalim ng Department of Environment and Natural Resources ay inatasan para sa implementasyon ng isang nationwide water conservation program, mag-monitor sa pagsunod ng mga ahensya ng pamahalaan, at magsumite ng quarterly progress report sa Office of the President sa pamamagitan ng Office of the Executive Secretary.
Inatasan din ang Local Water Utilities Administration, Metropolitan Waterworks and Sewerage System, at National Water Resources Board na magsumite ng buwanang Supply-Demand Projection at makatotohanang pag-uulat kung magkakaroon ng kakulangan sa suplay ng tubig.
Para naman sa government-run water service providers, maliban sa water conservation measures ay kailangan din ang ulat ukol sa non-revenue water management at water pressure management.
Kabilang din ang private water service providers na kailangang magsumite ng buwanang supply-demand projection.
Inutusan din ang local government units na iproseso ng mabilis ang mga kahilingan for waterworks ng water service providers.
MALARIA-FREE PHILIPPINES, NALALAPIT NA – DOH
Magiging malaria-free na ang Pilipinas sa susunod na dalawa hanggang tatlong taon. Ito ang hangarin ni Department of Health Secretary Teodoro Herbosa.
Pagbabalita ng kalihim, tanging sa “high mountainous areas” na lang sa lalawigan ng Palawan nagkakaroon ng ulat ng malaria, ang maraming lalawigan ay wala na, maging sa sa Puerto Princesa City na kapitolyo ng lalawigan.
Pero ipagpapatuloy pa rin ng DOH ang detection and treatment programs nito para tuluyan nang mabura ang malaria sa medical cases sa bansa.
Nitong taong 2022, nakapagtala ng 3,157 na indigenous malaria cases sa bulubunduking bahagi ng Palawan.
Paalaala ng kagawaran na nakamamatay ang malaria pero ito ay naiiwasan at nagagamot basta masuri lamang kaagad ng manggagamot. Nakukuha ito mula sa parasites na napupunta sa tao sa pamamagitan ng kagat ng babaeng lamok na Anopheles.
Sa datos ng World Health Organization, nasa 247 million cases ng malaria ang mayroon sa buong mundo kung saan ay nasa 619,000 ang nasawi.