MANILA, Philippines – Handa nang ipatupad ng pamahalaan ang water management strategies para maibsan ang epekto ng El Nino phenomenon partikular na sa agricultural production.
Sa pahayag nitong Biyernes, Hulyo 14, sinabi ng Department of Agriculture (DA) na kabilang sa mga estratehiyang isinusulong nila ay ang rainwater harvesting o koleksyon at pag-iimbak ng tubig-ulan.
Hinimok din ng DA ang mga food producers na mag-imbak ng tubig-ulan na magagamit sa hinaharap, sabay-sabing ang bansa ay nakapagtatala ng average rainfall volume na 2,348 millimeters.
Ipatutupad din ng ahensya ang iba pang water management projects, katulad ng pagpapabuti sa irrigation canals at iba pang small-scale irrigation projects.
Kabilang din sa iba pang mitigation projects ay ang pagpapalit ng unserviceable pumps at engine sets.
Ayon sa chairperson ng National El Niño Team ng DA na si U-Nichols Manalo, mahigpit silang makikipag-ugnayan sa operating unit sa ilalim ng kanilang departamento upang masolusyunan ang posibleng epekto ng naturang weather phenomenon.
“These are just some of the measures that the government has been doing early on to prevent production losses due to the dry spells that El Niño entails,” ani Manalo.
“We are constantly coordinating with different bureaus and agencies under DA so we can come up with a unified strategy to help our food producers improve production and increase income even during the possible drought.”
Ngayong linggo lamang, inanunsyo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ilalabas ng pamahalaan ang El Nino Mitigation Plan upang mahikayat ang publiko na makiisa sa pagpapaliit ng epekto ng El Nino. RNT/JGC