Home METRO Water sources sa La Castellana sinuri ng DOH

Water sources sa La Castellana sinuri ng DOH

MANILA, Philippines- Mahigpit na binabantayan ng Department of Health (DOH)-Western Visayas ang tubig sa La Castellana, Negros Occidental matapos magpositibo sa kontaminasyon ang mga sample sa 13 source kasunod ng pagputok ng Kanlaon volcano noong unang bahagi ng buwan.

Sa kabila nito, sinabi ni Dr. Adriano Suba-an, DOH-Western Visayas director, noong Huwebes, Hunyo 27, walang malalang kaso ng diarrhea sa bayan.

“Na-alarm lang kami because of the result kasi puwede itong maging dahilan ng outbreak,” sabi ni Suba-an at idinagdag na nais lamang nilang maiwasan ang outbreak ng mga sakit.

Sinabi ni Suba-an na nagsagawa sila ng mga hakbang tulad ng patuloy na chlorination ng mga pinagmumulan ng tubig at edukasyon sa kalusugan sa wastong paghuhugas ng kamay at kalinisan, paglilinis sa mga lalagyan ng tubig gamit ang mga aquatab at chlorine (stock solution) bago ipamahagi, water testing para sa ligtas na pag-inom, at patuloy na pagsubaybay sa chlorine residual para sa lahat ng inuming tubig sa evacuation center.

Nakipag-ugnayan na rin sa Bureau of Fire Protection (BFP) at Municipal Engineering Department para sa water supply at nagsagawa ng specimen collection ang Regional Epidemiology and Surveillance Unit (RESU) sa symptomatic individuals.

Sinabi ni Suba-an na nakatanggap sila ng mga kaso ng pananakit ng tiyan at dibdib sa La Castellana at nagsagawa ng interbensyon.

Pinayuhan naman ang mga residente na huwag uminom ng tubig mula sa unsafe sources.

Malaki ang epekto ng pagsabog sa La Castellana, lalo na ang mga barangay sa paanan ng bulkan dahil sa ashfall at lahar o mudflow. Jocelyn Tabangcura-Domenden