DAVAO CITY – HINDI inakala ng isang welder na ang kanyang pag-uusisa ang magiging sanhi ng kanyang kamatayan habang sugatan ang tatlo kabilang ang may-ari ng restobar, Lunes ng gabi, Agosto 7 sa lungsod na ito.
Kinilala ang nasawi na si Rominic Notarte, 31 anyos, welder, habang sugatan sina Loribeth Ñocyeo, 50 anyos, Rey Agliones, 32 anyos; at Emilita Alegarme, 48, lahat ay taga Tamugan ng nasabing lungsod.
Batay sa report ng Davao City-PNP, bandang 11:00 PM nang maganap ang pagsabog sa Emragila Restobar sa Roman Diaz Street, Barangay Calinan Poblacion, Calinan District Davao City.
Sa paunang imbestigasyon ng pulisya, bago ang insidente ay napansin umano ni Notarte na may apoy sa isang bag malapit sa bintana ng nasabing establisyemento.
Dahil dito, nilapitan ng biktima ang bag para alamin ito subalit bago pa man niya ito malapitan ay agad na sumabog ang bag.
Kaagad naman isinugod sa Southern Philippines Medical Center ang mga biktima subalit sa daan pa lamang ay nalagutan na ng hininga si Notarte.
Lumabas rin sa imbestigasyon ng pulisya, na matagal na umanong nakakatanggap ng mga banta sa buhay ang may-ari ng restobar at nilooban na rin ito.
May mga anggulo rin ang awtoridad na posibleng ‘love triangle’ ang motibo sa pagsabog.
Nagpapatuloy naman ang ginagawang pagsisiyasat ng pulisya sa nasabing insidente para sa pagkakakilanlan sa mga suspek at agaran ikarakip sa mga ito.
Sa ngayon hindi pa malaman ng pulisya kung anong uri ng pampasabog ang ginamit ng mga suspek. Mary Anne Sapico