Home HOME BANNER STORY Widodo, PBBM tumanggap ng mga liham mula sa pamilya Veloso

Widodo, PBBM tumanggap ng mga liham mula sa pamilya Veloso

MANILA, Philippines – Nag-abot ng liham ang pamilya ni Mary Jane Veloso nitong Miyerkules, Enero 10 kay Indonesian President Joko Widodo at Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para iapela ang pagpapalaya kay Veloso, kasabay ng pagpupulong ng dalawang lider sa Malacañang Palace.

Sinabi ni Migrante Philippines chairperson Arman Hernando na pinayagan ng Presidential Security Group (PSG) ang legal counsel ng pamilya Veloso na pumasok sa Palasyo at ibigay ang liham.

“Pinayagan ng PSG makapasok si [Atty. Kathy Panguban ng National Union of Peoples’ Lawyers] para ipadala ang letter,” ani Hernando.

Kinumpirma naman ni Migrante International chairperson Joanna Concepcion sa GMA News na natanggap na ng dalawang Pangulo ang mga liham.

“Yes, napa-receive ang sulat.”

Bago rito, nagkampo sa Mendiola sa Maynila ang pamilya ni Veloso kasama ang ilang organisasyon kasabay ng pag-apela kay Jokowi.

Nagpahayag ng suporta ang Migrante sa pamilya Veloso at umaasa na pagbibigay ng Pangulo ng Indonesia ang kanilang apela.

“We are one with Mary Jane’s parents in presenting an appeal letter to Presidents Marcos Jr. and Widodo,” saad sa pahayag ng Migrante.

“We are appealing to President Widodo: We hope that you grant our humanitarian appeal for clemency for Mary Jane,” dagdag pa,

Matatandaan na pinatawan ng death sentence si Veloso dahil sa drug trafficking noong 2010. Ilang oras bago ang nakatakdang bitay kay Veloso ay ipinatigil ng pamahalaan ng Indonesia ang hakbang na ito.

Mula pa noon ay iginigiit ni Veloso na inosente siya at biktima lamang ng human trafficking. RNT/JGC

Previous articleDan Palami nagbitiw bilang Azkals team manager
Next articleALAMIN: Mga isasarang kalsada sa Pangisdaan street dance competition sa Navotas