Manila, Philippines – Dating alaga ng namayapang director na si Maryo J.de Los Reyes si Will Ashley.
Una siyang lumabas noon as a child star sa Villa Quintana. Biggest break naman niya ang role bilang Nolan sa seryeng “Primadonnas” kung saan pinag-agawan siya nina Jillian Ward at Sofia Pablo.
Nasa cast din siya ng biggest collaboration ng ABS-CBN, Viu at GMA Network na “Unbreak My Heart” bilang love interest ni Bianca de Vera.
Ayon naman kay Will, na-challenge siya sa “The Vigil”, ang unang horror movie na gagawin niya na ididirek ni Adolf Alix, Jr. mula sa iskrip ni Renz Nicodemus.
“First ko po kasing gaganap ng may speech defect. Di ko po alam kung paano ang atake pero iyong idea po sa pagpo-portray ng ganoong character is something challenging,” aniya.
At 20, wala pang girlfriend si Will dahil prayoridad daw muna niya ang kanyang career.
Gusto rin daw niyang makatulong sa kanyang mga magulang kaya siya nag-artista.
Bagama’t may shippers ang love team nila ni Jillian Ward at Bianca de Vera, pareho raw matimbang sa kanya ang dalawa.
Inamin din niyang muntik na siyang ma-fall sa loveteam partner na si Jillian na isa sa pinakamalapit sa kanya sa showbiz.
Unexpected daw naman ang bond nila ni Bianca na nabuo sa trip nila sa Europe for their serye.
Pareho raw kasi silang foodie at madalas na tinutukso ng mga co-actors sa isa’t-isa. Archie Liao