Home NATIONWIDE Withdrawal form ng Comelec sa pekeng PI, kinuwestiyon sa Senado

Withdrawal form ng Comelec sa pekeng PI, kinuwestiyon sa Senado

MANILA, Philippines- Kinuwestiyon ng ilang senador ang withdrawal form sa pekeng people’s initiative na isinusulong ni House Speaker Martin Romualdez.

Sa magkakahiwalay na pahayag, matinding kinuwestiyon nina Senate Majority Leader Joel Villanueva at Senador Ronald “Bato” Dela Rosa ang naturang withdrawal forms.

Layunin ng withdrawal form na mapagbigyan ng pagkakataon ang mga pumirma sa pekeng PI na bawiin ang kanilang lagda na kinalap ng ilang kongresista kapalit ng P100 ayuda.

Naniniwala ang senador na mas magiging komplikado ang proseso at magkakaroon ng pabigay sa lumagda ang naturang withdrawal forms.

“Hindi naman po ito relasyon pero bakit parang it’s complicated ang withdrawal form na ito? Bagamat welcome development po ang mga aksyon ng Comelec kaugnay nitong pekeng People’s Initiative, panawagan po natin na huwag nang pahirapan ang ating mga kababayan sa pagbawi ng kanilang pirma,” ayon kay Villanueva.

“Hindi po dapat hingan pa ng paliwanag ang ating mga kababayan na nais bawiin ang kanilang mga pirma dahil karapatan po nila ito,” dagdag ni Villanueva.

Sa kanyang bahagi, pinapurihan naman ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang Comelec sa pagtugon sa kahilingan na huwag ipagkait sa botante ang karapatan sa pagbawi ng lagda. Ernie Reyes

Previous articleTikTok ipinagbawal ng AFP sa mga sundalo – spox
Next articleLand reform program ni Marcos Sr. ipinangako ni PBBM na tatapusin sa 2028