Home OPINION ‘WRIT OF AMPARO’ NINA CASTRO AT TAMANO

‘WRIT OF AMPARO’ NINA CASTRO AT TAMANO

NAGDIRIWANG ang mga komunistang-teroristang CPP-NPA-NDF at mga kaalyado  sa paggawad ng Supreme Court ng ‘writ of amparo’ at ‘habeas data’ sa kaso nina  Jonila Castro and Jhed Tamano.

Kung inyong matatandaan, sina Castro at Tamano ay dalawang mag-aaral na nailigtas ng ating mga sundalo sa kuko ng mga NPA noong nakaraang taon. Ang kanilang mga magulang ay natuwa sa  balita at nagpasalamat nang todo na hindi nagaya ang kanilang mga anak sa mga ibang college students na naloko ng CPP-NPA-NDF at napaslang na lamang sa mga enkwentro laban sa mga sundalo.

Bumaligtad at ipinihit nina Castro at Tamano, kasama na ang iba pang nasa likod ng kanilang samahan , ang kwento sa pangyayari sa pagkakaligtas sa kanila ng mga tropa ng ating pamahalaan.

Nang maibalik na ang dalawa sa kanilang mga pamilya, nag-iba na ang takbo ng kanilang kwento. Kesyo, sila raw ay ‘di nailigtas kundi ay dinukot ng ating mga sundalo. Paanong dinukot? Eh sa Bataan sila nakuha samantalang dito sa Maynila ang kanilang mga tirahan at mga paaralan.

Anyway, eto naman ang posisyon ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict sa takbo ng mga pangyayari. Ang pagkakagawad ng Mataas na Hukuman ng ‘writ of amparo’ at ‘habeas data’ para sa dalawang kabataan ay ‘di ikinababahala ng task force.

Mainam nga raw ito, ayon kay NTF-ELCAC Executive Director and Undersecretary Ernesto Torres Jr.,  dahil maipakikita ng pamahalaan ang tunay na kulay ng mapanlinglang na samahang CPP-NPA-NDF.

Bahagi raw ito ng proseso ng katarungan, ayon pa sa Legal Cooperation Cluster ng task force. At kanilang pinahahalagahan ang proseso at ang ‘rule of law’.

Kanila ring ipinaalala kina Castro at Tamano at sa sinomang mga tao ang nasa likuran nila, na ang kaso sa dalawang kabataan ay dinidinig pa, katunayan ay nasa Court of Appeals  pa ito.

Mas maganda nga raw ang bagong kaganapan sa kaso na iginawad ng SC upang lalong mahubaran ng pamahalaan ang masamang motibo ng CPP-NPA-NDF sa ating mga kabataan.

Ayon kay Torres, lalong maipaaalam ng pamahalaan sa lahat na ang mga komunistang-terorista ay walang ibang ninanais kundi ang manggulo sa bansa at ipakitang ‘di epektibo ang pamamalakad ng pamahalaan.

Maging ang serbisyong legal na ibinahagi ng Public Attorney’s Office  kina Tamano at Castro ay dinungisan nang pagpihit ng CPP-NPA-NDF sa kaso ng dalawang batang ito na naloko ng komunistang-teroristang samahan.

Sabi nga ni Torres, katotohanan ang panig ng pamahalaan. Lalabas at lalabas ang katotohanan sa kahuli-hulihang sandali ng patutunghan ng kwento sa buhay nina Tamano at Castro.

Previous articlePAG-UNLAD  NG CALOOCAN PATULOY NA MAKAKAMTAN –  MAYOR ALONG
Next articleBAD NEWS SA EL NIÑO