MANILA, Philippines- Naghain ng limang petisyon para sa writ of habeas corpus ang sinalakay na Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) hub sa Las Piñas noong nakaraang buwan, sa regional trial court ng lungsod nitong Huwebes.
“We are asking for the writ of habeas corpus for police officers on the ground to produce bodies of five Chinese nationals and show to the court bakit sila hindi pinapalaya,” pahayag ni Xinchuang Network Technologies legal counsel Christian Vargas.
Inilahad din niya na naghain ng reklamo laban sa Philippine National Police (PNP) at sa Bureau of Immigration (BI) sa hindi pagpapalaya sa limang Chinese nationals na inaakusahan ng human trafficking-related activities sa kabila ngrelease order mula sa Department of Justice.
Idinagdag niya na walang rason upang hindi palabasin ng mga awtoridad nag kanyang mga kliyente, sa kadahilanang legal ang pagpunta ng mga ito sa Pilipinas.
Isinampa ang reklamo laban kina PNP Anti-Cybercrime Group Chief PBGen Sidney Hernia, National Capital Region Police Office Chief PBGen Melencio Nartatez, at BI Commissioner Norman Tansingco.
Nauna nang itinanggi ng PNP ang pahayag ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na walang wastong koordinasyon ang raid sa concerned agencies.
Anang mga pulis, handa silang harapin ang reklamo laban sa kanila.
Samantala, hindi pa naglalabas ng pahayag ang BI ukol dito. RNT/SA