Manila, Philippines- Sa magkasunod na pagkakataon ay pinag-usapan ang mga hanash ni Xander Ford sa social media.
Una ay noong hindi niya itinago ang kanyang hinanakit sa Instagram nang binyagan ang kanyang anak na si Xerex Isaiah.
Ang sanggol na ilang buwan pa lang buhat nang ipanganak noong December last year ay anak niya kay Gemma Mago.
Nagsisintir si Xander na hindi raw dumating ang mga taong inaasahan niya.
Obyus na mga tatayong ninong at ninang ni Baby Xerex ang tinutukoy ni Xander.
Hindi naman binanggit ni Xander ang dahilan ng mga ‘di niya pinangalanang taong inaasahan niyang sisipot sa binyag.
Isa ito sa mga tinalakay sa online program na Ichika Mo Na, Dali!
Naitanong kasi ni Mama Loi si Ogie Diaz kung isa raw ba siya sa dapat sana’y magiging ninong ng anak ni Xander.
Ani Ogie, hindi man daw niya tiniyak ang kanyang pagsipot ay humihingi siya ng paumanhin.
May kalayuan din daw kasi ang lugar ng binyagan.
Pero nangako naman ang talent manager cum vlogger na ipadadala na lang ang kanyang pakimkim para sa bata.
Sa Instagram Stories naman ang sumunod na sentimyento ni Xander.
May petsa itong May 10, bisperas ng kanyang kaarawan.
Post niya: “Bukas, birthday ko na. Maski isa, wala man lang bumati o nakaalala sa akin. Napagtanto ko na pag wala ka palang pera, walang gugustong maging kaibigan ka.”
Dumaan ang bisperas, ang dapat sana’y masayang kaarawan mismo ni Xander ay balot ng kalungkutan.
Sa mismong kaarawan niya, Xander posted: “Happy birthday self! Kaya natin ito kahit wala nang gustong maging kasama tayo.”
Hindi napigilang magbalik-tanaw ni Xander noong mga panahong hindi pa raw siya sikat.
Back then, marami raw siyang mga kaibigang nakikisaya sa kanya kahit hindi magarbo ang okasyon.
But wait, naisip din kaya ni Xander na baka wala sa kanyang mga kaibigan ang diperensya?
At one point, hindi ba binago ng kasikatan ang ugali ni Xander?