Home OPINION YAMANG DAGAT SA WPS BANGKAROTE NA

YAMANG DAGAT SA WPS BANGKAROTE NA

431
0

PANIBAGONG  dagok na naman sa gobyerno ang pasabog na balita ng Armed Forces of the Philippines hinggil sa umano’y malawakang iligal na pangungulimbat ng corals sa Rozul Reef na matatagpuan sa West Philippine Sea na napapaloob naman sa Exclusive Economic Zone ng bansa.

Duda si AFP Western Command Chief Vice Admiral Alberto Carlos na ang pagsulputan na parang kabute na Chinese vessels sa naturang lugar ang umano’y ugat nang pagkawala ng mga  coral na pinatunayan mismo ng video na kuha ng AFP na naglahong parang bula ang dating hitik sa kanlungan ng mga isda at iba pang nilalang sa karagatang ‘yan.

Kunsabagay,batid ng sanlibutan na ang pambabaluhara ng China sa ‘Pinas at patuloy na pagpapadala nito ng dambuhalang mga barko sa WPS ay patunay lang na ang yaman ng naturang lugar ang tanging dahilan kung kaya todo bantay talaga sila sa teritoryo natin na sapilitang inangkin naman nila.

Susmaryosep, kahit siguro bulate ay susuyurin ng mga Tsino sa pusod ng WPS upang pakinabangan ng milyon-milyong bunganga ng lomolobong populasyon nitong hindi na kayang pakainin  kaya naman nang-aagaw na ng teritoryo para suportahan ang pangangailangan nito sa pagkain.

Hindi ba’t ginigisa pa nga tayo sa sariling mantika sa pamamagitan nang pagbebenta sa atin ng imported na galunggong mula sa China samantalang maliwanag pa sa sikat ng araw na galing naman ito sa WPS?

Unawa ng sambayanan na kaliwa’t kanan ang ginagawang hakbang ng kasalukuyang administrasyon para isampal sa China ang pangaabuso nito sa ating gobyerno subalit sadyang makapal lang talaga ang pamahalaan nilang walang pakiramdam sa pagmamaltrato’t pang-aangkin nito sa teritoryo natin.

Subalit sakaling totohanin man ng malalaking kaalyadong bansa ang pagtulong sa atin sa pamamagitan nang pagpapadala ng puwersa nila sa WPS, baka tuluyan nang mapalayas ang mga kampon nito sa naturang lugar.

Ngunit naniniwala ang taumbayan na kung dumating man ang panahong ‘yun, animo’y tutong sa itinaob na kaldero ang dadatnan ng ‘Pinas sa teritoryo natin bunsod sa maging ang mga damo sa karagatan ay inubos na paghakot ng mga Tsino patungo sa kanilang bansa..pwe!

Previous articleICC sapul ng ‘cybersecurity incident’
Next articleWALANG PATAY NA PINOY SA LIBYA FLOOD?

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here