Home OPINION ‘YAN BA ANG SAGOT?

‘YAN BA ANG SAGOT?

BINUHAY na naman muli ang usaping ng Charter Change o ChaCha sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.  Hindi ito ang unang pagkakataon at sigurado ako hindi ito ang huling pagtatangka.   Ang medyo iba ngayon, mukhang matibay ang kagustuhan ni House Speaker Martin Romualdez na buksan ang talakayan dito sa lalong madaling panahon.   At nasa likod n’ya ang super majority ng Kamara.

 

Mukhang suportado siya ni Pangulong Bongbong Marcos, dahil kailangan daw na ayusin ang mga probisyon ng Saligang batas na patungkol sa ekonomiya.   Ang kaisipan ng Pangulo, mas mahihikayat ang investors at mapapabilis ang paglago ng kalakalan at negosyo sa bansa, ‘pag binago ang economic provisions ng 1987 Constitution.

Kung excited ang Kamara, medyo malamig naman ang reaksyon ng Senado.  Mismong ang kapatid ni PBBM na si Sen. Imee Marcos ay nagsabing hindi napapanahon ang ChaCha.  Asahan na rin natin ang oposisyon na papalag dahil nga hindi sila kumbinsido na tanging economic provisions lang ang magagalaw, ‘pag pinausad ang ChaCha.   Ika naman ng ibang senador, pwedeng ngang pag-aralan ang Pederalismo at ibatay ang galaw sa ChaCha dito, pero hindi kasi malinaw at partikular ang mga nakasalang na panukala sa ChaCha.

Minsan ko nang ibinahagi ang mga rason kung bakit hindi dapat ito ituloy at sa palagay ko, hindi pa rin nagbabago ang konteksto at kalagayan ng Pilipinas para nga isulong ang ChaCha.

Una, walang kaseguruhan na tanging mga economic provision lang talaga ang pag-uusapin at gagalawin sa Saligang batas.   Ilang araw pa lang ang lumipas nang ipahayag ni Speaker Romualdez ang intensyon niya, eh biglang nag-ingay agad si Sen. Robin Padilla ng panukala na dagdagan at patagalin ang termino ng mga elected na national officials.   Sino ba naman ang maniniwala na hindi ito tatahiin sa usapin ChaCha?

Pangalawa, gusto ng mga lider natin na Constitutional Convention o ConCon ang pamamaraan ng pagbabago sa Konstitusyon.  Napakamahal at komplikado na prosesong politikal ito, dahil mag-hahalal pa tayo ng mga delegado sa ConCon.

Panghuli, sa gitna ng mga maraming krisis at kahirapang hinaharap ng bansa, ang mahalagang tanong ng mga tao – ang ChaCha ba talaga ang sagot sa mga problema natin?

Previous articleLRT 1, 2 ops sa Dis. 20-23 pinalawig
Next articleSANA NGAYONG PASKO