Home OPINION ‘YAN TULOY, MR. PRESIDENT

‘YAN TULOY, MR. PRESIDENT

MISTULANG nasagad na ang pasensiya ng mga Pilipino sa ipinangako n’yong murang bigas, Mr. President. Puno na ang salop. Kaya naman lumagapak ng 15 puntos ang approval rating n’yo nitong Setyembre, kasing sakit nang lagapak ng basang sako ng bigas sa mukha.

Nangako kayong ibababa ang presyo ng bigas sa P20 kada kilo noong nangangampanya pa kayo, pero ‘eto tayo ngayon, makalipas ang halos dalawang taon, sumirit pataas ang presyo ng bigas simula Agosto. Isinisi n’yo pa nga sa economic saboteurs ang taas-presyo ng bigas, ‘di ba?

Pero may dahilan kung bakit inangkin ninyo ang portfolio ng Agriculture Secretary simula nang maging presidente; at ang mga ipinakita ninyo sa mga nakalipas na taon ay mistulang nagpalawig pa sa pamamayagpag ng agricultural smugglers. Hindi lamang ito tungkol sa bigas, o nakalimutan n’yo na ba ang sibuyas, bawang, asukal…? Hindi ko na itutuloy ang litanya kong ito, Sir, dahil nakakapagod — pero dapat itong mag-udyok sa inyong umaksyon!

Kaya bumagsak din ng 14 na puntos ang inyong trust rating. Para bang sinasabi ng mga Pilipino, “Ipinagkatiwala namin sa ‘yo ang pagresolba sa problemang ito, pero sa mga ginagawa mo ay lalo lang lumalala.”

Malinaw na umabot na sa sukdulan ang maagang pagpapagitna sa krisis ng inyong administrasyon. Matagal nang nagpapasensiya ang mga Pilipino, na nagbigay pa nga sa inyo ng pagkakataon, sa kabila ng madilim na nakaraan ng inyong pamilya sa larangan ng politika.

Maging ako, sa isang split second, ay napaisip kung naluklok ba kayo sa puwesto upang bumawi sa mga naging pagkakamali ng nakalipas; para masaksihan lang kayong nag-eempake ng mga bag nang higit pa sa 12 beses kada taon para bumiyahe palabas ng bansa. Mistulang sa inyo rin talaga ito, Mr. Marcos.

Panahon nang tuparin ang inyong ipinangako at tumupad na rin sa inyong tungkulin. Umaapaw na ang kumukulong sinaing, at hindi n’yo maaaring sisihin ang kalan sa bagay na ito.

Magbago ka na, Inday!

Huwag nating kalimutan ang pangalawang bersiyon ni PBBM, si Vice President Sara Duterte, na hindi rin nalalayo sa kanya ang kapalaran. Pasadsad ang kanyang approval ratings, mas mabilis pa sa pagbulusok pababa ng lobong may lead, at hindi na ito nakakagulat para sa isang nilustay ang kanyang P125 milyon confidential at intelligence funds sa loob lamang ng dalawang linggo.

Panahon nang maging responsable naman sa paggastos, VP Sara. Mainit na tinututukan ng publiko ang inyong expense reports at ang inyong nakakalulang paraan ng paggastos ng pondo ay umaani ng mas maraming pag-irap kaysa palakpakan. Hindi ang imaheng ito ang magbibigay-katuparan sa inyong ambisyon sa 2028. Ang tamang recipe para sa iyo ay ang pagbabago.

*        *       *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X app.

 

 

 

Previous articleMGA GURO MAGKAKAROON NG “EXCLUSIVE EXPRESS LANE” SA GSIS, AYON KAY VP DUTERTE
Next articleVALENZUELA BEGINS 400th ANNIVERSARY WITH TREE OF HOPE LIGHTING