Home OPINION ‘YANG PAGTATANIM NG PUNONGKAHOY

‘YANG PAGTATANIM NG PUNONGKAHOY

NASA huling yugto nang pag-aapruba ang House Bill 8569 na naglalayong gawing mandatory ang pagtatanim ng puno sa mga kumukuha ng building permit para sa residential, industrial at public building developments upang maibsan ang epekto ng climate change na sadyang karumal-dumal ang pinsala sa mga bansang tulad ng ‘Pinas na madalas tamaan ng mala-delubyong kalamidad kabilang ang bagyo at iba pa.

Sakaling mailabas na sa Kongreso at enindorso sa Malakanyang, matitigil na rin ang walang habas na paggiba ng kabundukan at pagputol ng mga punongkahoy nitong mga iresponsableng land developer na walang ibang iniisip kundi ang magpayaman nang husto sa pamamagitan nang pagtatayo ng malalaking struktura at pabahay sa mga dating hitik sa mga puno na kalupaan.

Sa totoo lang, ang konbersyon ng malalawak na lupain patungo sa mga industrial complex at subdibisyon ang isa sa mga ugat nang  malawakang pagbaha sa Central Luzon at iba pang lugar sa bansa bunsod sa hindi kaakibat sa responsibilidad ng mga developer ang pagtatanim ng punongkahoy na malaking tulong upang banggain ang rumaragasang pagbaha.

Hindi naman bago sa taumbayan  ang sanhi nang mala-karagatang pagbaha mula sa Bulacan,Pampaga hanggang sa ilang lalawigan sa Northern Luzon kung saan lubog pa rin sa tubig-baha ngayon ay dahil sa kawalan ng mga punong-kahoy na hihigop at panangga sana nitong matagal na panahon nang tinayuan ng malalaking factory at dambuhalang mga bodega.

Kelan pa mauunawaan ng gobyerno at sambayanan na hindi kayang bayaran ng pag-unlad ang patuloy na pang-aabuso sa kalikasan sa pamamagitan nang walang puknat na pagpuputol ng punongkahoy upang ipatayo malalaking industrial complex samantalang wala man lang nagtatanim maliban sa kakarampot na tree planting na aktibidad?

Hindi sana magkakandarapa ang gobyerno ngayon sa pagtugon sa mga naapektuhan ng malawakang pagbaha kung naisabatas na noon pa man ang HB 8569 kung saan malaking kwarta mula sa kaban ng bayan ang nagagasta upang ipamigay sa sambayanan tuwing tinatamaan ng malalakas na bagyo.

Previous articlePAALAM AT MARAMING SALAMAT, UNDERSECRETARY MARTIN DIÑO
Next articleMga Pinoy ligtas sa Hawaii wildfires – consul

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here