MANILA, Philippines – Nakatakdang isabatas ng Senado ang panukalang Youth Suicide Prevention and Intervention Act upang tuluyan nang maiwasan ang pagpapakamatay ng kabataan na lubhang ikinababahala ng gobyerno.
Inihayag ito ni Senador Mark Villar matapos matuklasan na umabot na sa 404 mag-aaral ang nagpakamatay nitong academic year of 2021-2022 habang 2,147 estudyante naman ang napaulat na nagtangkang magpakamatay sa katulad ng panahon.
“Nakakabahala po ang mga kaso ng suicide sa ating mga kabataan recently. The increasing number of suicide and suicide attempts among Filipino youth merits our intervention as we recognize that the challenges and mental health concerns of our youth brought about by the pandemic has been heightened by the rapid changes of the post-pandemic world to which they are expected to adapt,” ayon kay Villar.
Dahil dito, inihain niya ang Senate Bill No. 1669, o ang Act to Provide Early Youth Suicide Intervention and Prevention Expansion sa pag-asang ma-institutionalize ang suicide intervention sa buong bansa.
Aniya, magagawa ito sa paglikha ng life planning education sa lahat ng kabataang Filipino at magbigay ng kaukulang pagsasanay at awareness sa kinauukulang stakeholders sa loob ng mga paaralan.
Palalakasin din nito ang pagkalap ng isang psychologists sa bawat paaralan upang magbigay ng paunang interbensiyon sa kabataang mag-aaral.
“Kailangan po nating matutukan ang kalagayan ng mental health ng ating mga kabataan, lalo na ngayon na dumarami ang kaso ng mga estudyante who are committing suicide. Through this bill, we are going to provide our youth with the necessary intervening methods like counseling and mental health improvement sessions that will help them,” ayon kay Villar.
Partikular na tinukoy ni Villar ang dagliang pagpasa ng panukala dahil mayroong huling kaso ng isang grade 7 high school student mula Rizal Technological University ang nagpakamatay sa pamamagitan ng pagtalon sa gusali.
Kahit naitago ng opisyal ng paaralan ang pangyayari sa publiko, pero ikalawa na ito sa nangyari sa kasalukuyang taon na kung saan may nagpakamatay na isang college freshman ng naturang unibersidad na tumalon sa mas mataas na palapag ng mall noong 2016.
“Ako po ay lubos na nakikiramay sa pamilya at mga kaibigan ni Yuwan. His case touches my heart gravely as a father to my own child who is almost at the same age as him. Bilang senador, I am going to do my best to pass this youth suicide prevention bill so we can help our youth deal with their mental health concerns and prevent further cases of suicide that will claim more young lives,” ayon sa senador.
Kasalukuyang ibinigay ang panukalang batas sa kaukulang Senate committee at naghihintay ng susunod na legislative action. Ernie Reyes