Home NATIONWIDE 10-day buffer stock sa bigas, mais, baboy target ng DA

10-day buffer stock sa bigas, mais, baboy target ng DA

MANILA – Isang 10-araw na buffer stock para sa mga piling produktong agrikultura ang iminungkahi upang matiyak na magiging stable ang presyo ng mga bilihin, sinabi ng Department of Trade and Industry nitong Lunes.

Sa pulong ng National Price Coordinating Council, ibinahagi ni DTI Consumer Protection Group Assistant Secretary Amanda Nograles ang panukala ng Department of Agriculture na gumawa ng Implementing Rules and Regulations sa buffer stocking sa mga produktong agrikultura.

Ang mga kalakal na gustong bilhin para sa buffer stocking ay mga produktong natukoy na mga driver ng inflation kabilang ang bigas, mais, asukal, sibuyas, baboy, at mga pataba.

“Ang layunin po sana nito bukod pa sa paglikha ng market-based na mekanismo upang bawasan ang presyo sa pamamagitan ng pagtaas ng supply, magiging deterrent din siya sa mga hoarders at sa mga sangkot sa ilegal na manipulasyon ng presyo,” ani Nograles.

Sinabi ni Nograles na kung ipapatupad, ito ang unang pagkakataon na ipapatupad ang buffer stocking para sa mga produktong agrikultura sa ilalim ng Price Act.

“Kasi ang lumalabas, pag merong buffer stock tayo, iisipin nila na ang gobyerno ay maaaring makialam anumang oras at maaari itong maging deterrent para sa iligal na manipulasyon ng presyo,” ani Nograles.

Sa pagpupulong, inaasahan ng Bangko Sentral ng Pilipinas na maaaring lumipat ang inflation patungo sa itaas na dulo ng target ng gobyerno na 2 hanggang 4 na porsyento bunsod ng pagtaas ng presyo ng bigas, gulay at karne.

Sinabi ni DTI Undersecretary Ed Sunico na naghahanap sila ng katuwang sa pribadong sektor para sa cold storage para sa mga produktong ito sakaling maipatupad ang 10-araw na buffer stocking. Santi Celario