Home NATIONWIDE DA: Mga lugar lang sa ilalim ng state of calamity saklaw ng...

DA: Mga lugar lang sa ilalim ng state of calamity saklaw ng price freeze

(c) Remate News Central File Photo

MANILA, Philippines- Sinabi ng Department of Agriculture (DA) nitong Biyernes na ang price freeze ng bigas at iba pang pangunahing bilihin ay dapat ipatupad lamang sa mga lugar na labis  na apektado ng El Niño phenomenon. 

“Kung idadamay iyong buong bansa na hindi naman apektado ng El Niño, baka magkaroon ng problema doon sa ibang area,” giit ni DA Assistant Secretary Arnel de Mesa sa Bagong Pilipinas Ngayon briefing.

“Makikita natin mostly western section ng ating bansa ang naapektuhan at kanya-kanya iyong mga apektadong lugar na ito ay nagkaroon na ng declaration ng states of emergencies,” wika ng opisyal. Sa kasalukuyan, 131 local government units (LGUs) ang nagdeklara ng state of calamity sa buong bansa, base sa Task Force El Niño. 

Nananatili ang Mimaropa region na pinakaapektado sa P1.71 bilyong halaga ng agricultural damage, sinundan ng Western Visayas sa P1.5 bilyon; Cordillera Administrative Region, P768 milyon; at Cagayan Valley, P562 milyon. 

Nauna nang iniulat ng DA ang halos P5.90 bilyong halaga ng agricultural damage dahil sa El Nino, kung saan pinakasapul ang rice production, na nakapagtala ng halos P3.14 bilyong halaga ng pinsala. RNT/SA