Home METRO 30 toll-free days sa Manila-Cavite Toll Expressway Project (CAVITEX) gugulong – PBBM

30 toll-free days sa Manila-Cavite Toll Expressway Project (CAVITEX) gugulong – PBBM

Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.at MPTC Chairman Manny Pangilinan ang groundbreaking ceremony ng CAVITEX-CALAX Link na magkokonekta sa Kawit, Cavite at buong CALABARZON. Kasabay nito, binuksan din ang CAVITEX C5 Link Sucat Interchange na paiksiin ang oras ng biyahe mula isang oras hanggang limang minuto para sa 23,000 motorista mula CAVITEX papuntang Sucat, Parañaque. Kasama rin sa seremonya ang groundbreaking ng Cavitex C5 Link Segment 3B na magkokonekta sa CAVITEX R1 Expressway Section at SLEX/C5 Road. Cesar Morales

MANILA, Philippines- Maaaring ma-enjoy ng mga motorista ang 30 toll-free days sa Manila-Cavite Toll Expressway Project (CAVITEX) sa lalong madaling panahon.

Tinukoy ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang panukalang ito ng Philippine Reclamation Authority (PRA).

Isiniwalat ng Pangulo ang bagay na ito matapos pangunahan ang tatlong pangunahing events para sa CAVITEX — ang groundbreaking ceremony ng CAVITEX-CALAX Link, ang groundbreaking ng CAVITEX C5 Link Segment 3B, at ang pagpapasinaya sa CAVITEX C5 Link Sucat Interchange (Segment 2).

“So, I now invite my fellow Filipinos to take advantage of our expressways. Experience firsthand the ease and convenience that these roads will bring to our daily lives,” ang sinabi ni Pangulong Marcos sa kanyang naging talumpati.

“This is especially so after receiving the good news that the PRA or the Philippine Reclamation Authority, as operator of the CAVITEX, proposed to suspend the collection of toll fees for all types of vehicles passing through the Manila-Cavite Toll Expressway in Taguig, Parañaque, Las Piñas, Bacoor, and Kawit for thirty days,” dagdag na wika ng Chief Executive.

Hindi naman nagbanggit ng petsa ang Pangulo subalit inatasan ang Toll Regulatory Board (TRB) “to ensure the immediate implementation” sa panukala ng PRA “for the benefit of the riding and the transport public.”

“We welcome this call and thank the PRA for its initiative to help mitigate the impact of rising fuel costs to our motorists,” ayon sa Pangulo.

Sa kabilang dako, ayon sa MPT South Corporate Communication, ang CAVITEX C5 Link Sucat Interchange ay magbubukas sa publiko simula alas-6 ng gabi, ngayong raw ng Biyernes.

Sinabi nito na sa limitadong oras, mai-enjoy ng mga motorista ang segment nang libre.

Ang mga proyektong ito, isinagawa ng Metro Pacific Tollways Corporation (MPTC), tanda ng mahalagang hakbang tungo sa pagpapahusay sa pagkakakonekta at pangangalaga sa economic growth sa pagitan ng Region IV-A at Metro Manila.

Tinawag na CLink, ang CAVITEX-CALAX Link ay aabot sa 1.3 kilometers na may 2×2 lanes, mag-uugnay sa toll road networks ng MPTC sa Timog, ang CAVITEX at ang nagpapatuloy na Cavite-Laguna Expressway (CALAX).

Target naman na makumpleto ang proyekto sa kalagitnaan ng 2025, “in alignment with the full operations of CALAX.”

Samantala, ang CAVITEX C5 Link Segment 3B ang kokompleto sa nagpapatuloy na CAVITEX C5 Link sa 2025, sakop ang dalawang kilometro para ikonekta ang CAVITEX Parañaque sa Kanluran at C5 Road Taguig sa Silangan.

Sa kabilang dako, ang CAVITEX C5 Link Segment 2 ay inaasahan na magbibigay ng ‘enhanced travel efficiency’ at isang mas maayos na pag-commute para sa libo-libong morotista sa Timog na bahagi ng Kalakhang Maynila. Kris Jose