MANILA, Philippines- Hinimok ni Senator Christopher “Bong” Go ang mga accountants at clerks ng mga local government unit na maglingkod nang may integridad at laging isapuso ang paggawa ng tama sa pangangasiwa sa kaban ng bayan.
Ginawa ni Go ang panawagan sa kanyang pagdalo sa ika-16 Mindanao Geographical Conference ng Philippine Association of Local Government Accountants (PHALGA) sa Mati City, Davao Oriental noong Miyerkules.
Inimbitahan bilang guest of honor at speaker, ang komperensya ay dinaluhan ng mga local accounting clerk, gayundin ng barangay, at mga opisyal ng Sangguniang Kabataan, karamihan ay mula sa rehiyon ng Mindanao.
“Ang inyong trabaho bilang mga tagapangasiwa ng kaban ng bayan ay mahalaga para sa pag-unlad ng ating komunidad,” ani Go.
Ikinuwento ni Go ang kanyang naging karanasan noong nagtatrabaho pa kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
“Palagi kong naaalala ang bilin niya sa akin, ‘Do what is right. Sa bawat desisyon, ito ang nagsisilbing gabay ko. Patuloy itong nagbibigay inspirasyon sa akin, lalo na sa pagharap sa mga hamon ng serbisyo publiko,” ayon sa mambabatas.
Pinayuhan din niya ang mga kabataan, partikular ang mga opisyal at treasurer ng Sangguniang Kabataan na ipagpatuloy ang paglilingkod nang may integridad.
“Kayo ang susunod na mga lider ng inyong henerasyon. Hinihikayat ko kayong magpatuloy sa paglilingkod na may integridad at tunay na malasakit sa ating bayan,” idiniin ni Go.
Tinalakay ni Go ang kanyang mga isinusulong na batas, kabilang ang Senate Bill No. 197 o ang Magna Carta for Barangay, na layong bnigyan ng suweldo at benepisyo ang mga opisyal ng barangay, katulong ng iba pang opisyal ng gobyerno. Bukod pa rito, ang SBN 427, o ang Barangay Health Workers Act, na magbibigay ng buwanang honorarium at benepisyo sa Barangay Health Workers.
Binigyang-diin din niya ang karagdagang suporta para sa mga empleyado ng gobyerno sa pagtutulak na maisabatas ng Republic Act 11466, o Salary Standardization 5, na kanyang iniakda at inisponsoran at ang kanyang adbokasiya sa Salary Standardization Law 6 upang matulungan ang mga manggagawa ng gobyerno sa gitna ng mga hamon sa ekonomiya.
Ipinaksa rin ng senador ang kanyang bagong inihain na SBN 2538, o ang Magna Carta of Government Accountants, at SBN 2536, na naglalayong itatag ang Government Accountancy Office (GAO) sa ilalim ng Department of Budget and Management.
“Maraming salamat sa pagkakataong makasama kayo ngayong umaga. Nawa’y ang ating pagtitipon ngayon ay maging simula ng mas matibay na kapatiran at pagtutulungan sa pagitan ng national government at ng local finance sectors sa Mindanao at sa buong Pilipinas,” pangwakas ni Go. RNT