MANILA, Philippines – PINAKILOS na ng Department of Agriculture (DA) ang mga fisheries personnel at naghahanda ng tulong para sa coastal communities matapos tumagas ang langis mula sa nasirang cargo vessel na sumadsad sa baybayin ng Barangay La Virgen Milagrosa, Badoc, Ilocos Norte.
Makikita na sa tubig ang tumagas na langis o oil spill na pinangangambahan na lalawak kung hindi agad maagapan.
Sa isang kalatas, sinabi ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na naka-monitor ang DA sa situwasyon at nagpadala ng teams mula sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) para suportahan ang pagsisikap na ginagawa ng Philippine Coast Guard (PCG).
“The oil spill is a serious concern because it threatens not only marine resources but also the livelihoods of fishing communities that depend on healthy coastal waters. Our priority is to contain any potential impact on fisheries, ensure seafood safety, and provide immediate assistance to affected fisherfolk should the situation worsen,” ang sinabi ni Tiu Laurel.
Ayon kay Tiu Laurel, ipinapanukala ng initial reports na ang vessel ay walang kargang crude oil o malaking volumes ng bunker fuel, na maaaring makatulong na malimitahan ang environmental damage at gawing simple ang cleanup operations.
Sa ulat, nagtulong-tulong na ang ibat ibang ahensiya ng gobyerno gaya ng Philippine Coast Guard, Philippine Marines, pulisya, BFP, DENR, local government, barangay, at iba pang mga grupo para hindi na lumawak pa ang epekto ng oil spill.
Naglagay na sila ng absorbent pad para makuha ang mga tumagas na langis.
Isa sa nagpapahirap sa grupo ay ang malakas na alon at hangin na sinasabayan pa ng pag-ulan.
Lunes sumadsad ang MV MSCI-1 cargo vessel sa dalampasigan ng Badoc matapos umano mapasok ng tubig dulot ng malakas na alon at hangin.
Galing sa Currimao, Ilocos Norte ang cargo vessel na may mga kargang buhangin na dadalhin sana Calayan, Cagayan.
May butas umano ang barko na dahilan kaya tumagilid ito.
Nasa ligtas naman na sitwasyon ang 15 crew, na pawang mga Pilipino.
Hindi pa masabi ng mga awtoridad ang lawak ng oil spill. KRIS JOSE