Home NATIONWIDE 4Ps cash grants magkakaroon ng adjustment sa inflation – DSWD

4Ps cash grants magkakaroon ng adjustment sa inflation – DSWD

MANILA, Philippines – Sinabi ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) nitong Sabado, Hunyo 29 na plano nitong baguhin ang cash grants sa ilalim ng conditional cash transfer program ng pamahalaan, kasabay ng epekto ng inflation.

Ayon sa DSWD, ang adjustments sa cash grants sa ilalim ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ay ibabatay sa parameters na tinukoy ng National Economic and Development Authority at Philippine Institute for Development Studies.

“Magkakaroon ng adjustments doon sa cash grants na pag-uusapan na lang po ng mga member agencies ng NAC (National Advisory Committee), na hindi na kinakailangan dumaan sa Kongreso to amend the law,” pagbabahagi ni DSWD spokesperson Irene Dumlao sa panayam ng DZBB.

“Yung mga magiging actions natin in making the adjustments are based on relevant, reliable, and timely policy research,” dagdag pa niya.

Matatandaan na tumaas sa ikaapat na sunod na buwan ang presyo ng consumer goods at mga serbisyo sa bansa noong Mayo, o 3.9%.

Nagdala ito sa year-to-date inflation rate na 3.5%, na pasok pa rin sa target range ng pamahalaan na 2% hanggang 4%.

“Over the years, na devalue yung halaga na tinatanggap ng ating 4Ps beneficiaries,” ani Dumlao.

“Ibig sabihin dapat magagamit pa rin nila yung halaga sa mga pangangailangan nila kahit pa mag-increase yung presyo ng mga bilihin over the years, magkaroon man ng inflation, maapektuhan man ng economic challenges yung programa,” dagdag pa ng opisyal.

Nang tanungin kung ano ang target date ng implementasyon ng adjusted cash grants, sinabi ng opisyal na pinabibilis na ng ahensya ang usapin patungkol dito.

Ang naturang programa ay kasalukuyang may alokasyon ng P106.335 billion pondo sa ilalim ng 2024 General Appropriations Act kung saan mahigit 4.4 milyong pamilya ang makikinabang sa buong bansa. RNT/JGC