Home NATIONWIDE Bato kumpiyansa sa mandatory ROTC: ‘Dapat handa tayo sa giyera’

Bato kumpiyansa sa mandatory ROTC: ‘Dapat handa tayo sa giyera’

MANILA, Philippines – Malaki ang paniniwala ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa na makalulusot sa Senado ang pagbabalik ng mandatory Reserve Officers’ Training Corps na ibinasura noon dahil sa korapsiyon.

Ganito ang naging pananaw ni Dela Rosa matapos tumindig ang tensiyon sa pagitan ng Pilipinas at China nang manghimasok muli ang Chinese Coast Guard sa West Philippine Sea (WPS).

“You have to prepare for war in order not to go to war. So kailangan maghanda tayo para hindi tayo mapupunta sa giyera,” giit niya sa interview.

“Kasama na diyan sa paghahanda ay yung paghahanda sa iyong citizens into an armed force… ihanda ang ating mga kababayan for any eventuality,” paliwanag niya.

Aniya, natatangi ang ROTC program na isang pamamaraan na kailangan ng gobyerno upang makapaghanda sa anumang mangyayari.

“Although late na. Still, better late than never,” aniya.

Isa si Dela Rosa sa unang naghain ng pagbabalik ng ROTC na nakalendaryo sa talakayan sa plenaryo sa pagbabalik ng sesyon ng Senado sa Hulyo.

Umaasa si Dela Rosa na susuportahan ng kasamahan ang panukala.

“Mas marami ang papabor. Mananalo tayo rito pag dinivide yung house,” giit niya.

Ginawang optional ang ROTC noong 2001 matapos mawala at kalaunan natagpuang patay si Mark Chua matapos nitong ibulgar ang korapsiyon sa programa.

Ayon kay Dela Rosa, sasakupin ng mandatory ROTC programa ang kalalakihan at kababaihan sa kolehiyo kasam ang technical-vocational schools, at magkakaroon ng mas mahusay na oversight.

Magkakaroon ang bawat ROTC unit ng grievance committee ng school administration kasama ang kinatawan ng defense department, ang Commission on Higher Education, Technical Education and Skills Development Authority at local government unit na hahawakan ng potensiyal na isyu.

Magkakaroon din ng national oversight committee, ayon kay Dela Rosa.

“[The Department of National Defense] and CHED have learned their lesson well… sisiguruhin nila ngayon na hindi na talaga magkakaroon ng abuso,” aniya.

Ngunit, tinabla naman ni Senador Risa Hontiveros ang panukala bagkus pinaburan ng Senate minority paglalalaga ng pondo sa military, particular Philippine Navy, upang mapalakas ang external defense.

“I think it is not the right policy direction to make ROTC mandatory, especially for our citizens whose ways are different in serving the country,” ayon kay Hontiveros. Ernie Reyes