MANILA, Philippines – Bumisita ang Malasakit Team ni Senator Christopher “Bong” Go sa Kidapawan City sa North Cotabato para makiisa sa inagurasyon ng dalawang bagong Super Health Center sa Brgy. Binoligan at Brgy. San Isidro.
Binigyang-diin ng senador na patuloy niyang sinusuportahan ang pagtatayo ng marami pang Super Health Center sa buong bansa para mapahusay ang sistema ng pangangalagang pangkalusugan sa mga mahihirap at ilapit ang pangunahing pangangalaga, konsultasyon, at maagang pagtuklas ng mga sakit sa komunidad.
Ang Super Health Center ay medium version ng isang polyclinic ngunit mas pinahusay na bersyon ng rural health unit.
“Ito pong Super Health Center, isa po ito sa pamamaraan para ilapit natin ang serbisyong medikal sa ating mga kababayan at madi-decongest ang mga ospital dahil hindi na kailangang pumunta ng ospital, pwede na po diyan ‘yung mga primary care,” sabi ni Go.
“Diyan na rin po ‘yung Konsulta ng PhilHealth dahil bawat Pilipino ay miyembro po ng PhilHealth, hindi na kailangang bumyahe ng malayo para magpagamot,” aniya.
May nakalaan nang sapat na pondo para sa pagtatayo ng mahigit 700 Super Health Centers sa buong bansa. Sa North Cotabato, may kabuuang 16 Super Health Center ang pinondohan.
Pinuri rin ni Go ang lokal na pamahalaan sa kanilang suporta at dedikasyon upang mailapit ang mga serbisyong medikal sa kanilang mga nasasakupan, kabilang sina Vice Governor Efren Piñol, Mayor Jose Paolo Evangelista, Regional Director Aristides Concepcion Tan ng Department of Health XII, at iba pa.
Bilang suporta sa mga community health worker, namahagi ang Malasakit Team ni Go ng foodpacks, kamiseta, basketball at volleyballs sa kanilang pagbisita.
Nag-alok ng karagdagang tulong si Go, chairperson ng Senate Committee on Health and Demography, sa mga residenteng nangangailangan ng tulong medikal sa pamamagitan ng Malasakit Center na matatagpuan sa Cotabato Provincial Hospital sa lungsod.
Si Go ang pangunahing may-akda at sponsor ng Republic Act No. 11463, o ang Malasakit Centers Act of 2019, na nag-institutionalize sa Malasakit Centers program. Ayon sa DOH, 165 operational centers ang nakatulong na sa mahigit 10 milyong Pilipino sa buong bansa. RNT