Home NATIONWIDE Comelec suportado ng tech firms, socmed platforms vs fake news bago mag-eleksyon

Comelec suportado ng tech firms, socmed platforms vs fake news bago mag-eleksyon

MANILA, Philippines- Nangako ang ibat’t bang social media platform at technology firms na susuportahan ang Commission on Elections (Comelec) sa paglaban sa maling impormasyon bago ang 2025 midterm elections.

Ibinunyag ito ni Comelec Commissioner Nelson Celis sa isang panayam bilang Chairman ng Committee on Digital Transformation at Kontra Fake News.

Ayon kay Celis, ilulunsad din ng Comelec ang 11 commitments ng tech companies na tutulong sa komisyon kabilang rito ang Facebook, Meta, Google, YouTube, Snapchat, Tiktok, Microsoft at iba pang tech companies.

Aniya, tinatalakay kasama ang Comelec kung paano labanan ang seryosong epekto ng pekeng balita sa bansa lalo na tuwing panahon ng halalan.

Gaganapin ang launching sa paglaban sa fake news na may suporta mula sa iba’t ibang technology companies sa Hulyo 12.

Kabilang sa 11 commitments na ibinigay ng mga tech company ang pagpapalawig ng kanilang resources o paglalaan ng pondo para bantayan ang publiko laban sa paglaganap ng fake news sa kani-kanilang mga platform.

Ang mga tech company ayon kay Celis ay nagsagawa ng inisyatiba upang tulungan ang bansa kasunod ng isang international forum sa Italy noong Pebrero na nakasentro sa malubhang epekto ng disinformation sa buong mundo.

Bukod sa pakikipag-usap sa mga tech company, hinihiling din ng poll body ang partisipasyon ng mga election watchdog, IT organizations at iba pang stakeholders para labanan ang fake news.

Inatasan din si Celis na suriin ang iminungkahing pagbabawal ng artificial intelligence (AI) at deepfake technology sa 2025 electios.

Binigyang-diin ni Celis ang pangangailangang tugunan ang problema sa disinformation sa bansa at ang mga seryosong epekto nito sa kinabukasan ng bansa sa sandaling ito ay mangingibabaw sa mga botohan sa susunod na taon. Jocelyn Tabangcura-Domenden