LUCENA CITY- Nadakip ng police anti-narcotics agents nitong Huwebes ang umano’y drug traffickers at nasabat ang shabu (crystal meth) na nagkakahalaga ng mahigit P1.1 milyon at granada sa magkakahiwalay na operasyon sa Laguna at Rizal.
Iniulat ng Region 4A police na naaresto ng local drug enforcement unit sa bayan ng Teresa si alyas “Polo” sa isang buy-bust operation ng alas-12:45 ng madaling araw sa Barangay May-Iba.
Nakuhanan ang suspek, isang “high-value” target sa drug war ng gobyerno, ng anim na plastic sachets na naglalaman ng shabu at may bigat na 85 gramo na may tinatayang Dangerous Drugs Board (DDB) value na P578,000.
Nakumpiska rin ng mga pulis ang isang granada at motorsiklong pinaniniwalaang ginamit ng suspek sa kanyang illegal drug trade.
Sa Laguna, nalambat ng anti-illegal drug operatives sa Calamba City ang kinilalang sina “Sherwin” at “April” sa isang sting operation ng ala-1:15 ng madaling araw sa Barangay 3.
Narekober sa dalawa, tinukoy ding “high-value” suspects, ang limang sachet ng meth na may timbang na 56 gramo at DDB value na P380,000.
Sa Sta. Rosa City, naaresto ng anti-narcotic agents sina “Marlon” ay “Charlie” habang nagbebenta ng shabu sa isang poseur buyer sa loob ng isang subdivision sa Barangay Malitilit dakong ala-1:35 ng madaling araw.
Nakuhanan ang mga suspek, kapwa tinukoy na drug pushers, ng limang sachet ng shabu na nagkakahalaga ng P170,000 at ilang drug paraphernalia.
Nasabat pa ng mga pulis ang tatlong mobile phones mula sa mga suspek, na susuriin para sa drug transactions.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng pulisya ang mga suspek at mahaharap sa reklamong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Kakasuhan din si “Polo” ng kasong illegal possession of explosives. RNT/SA