Home METRO 2 senior kalaboso sa house and lot scam

2 senior kalaboso sa house and lot scam

MANILA, Philippines- Swak sa selda ang dalawang senior citizen matapos makapanggantso ng ilang biktima sa house and lot scam sa Caloocan City.

Bagama’t hindi pinangalanan ang dalawang suspek na kapwa senior citizen na, sila ay naaresto ng pinagsanib na pwersa ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at ng Caloocan PNP sa isang entrapment operation sa Caloocan City bunga ng ilang reklamong inihain laban sa kanila.

“Na-eenganyo ang mga biktima natin ng mura na ang bahay para sa P150,000 na 20 square meters na may bahay, at ang usapan dito, mababayaran sa loob ng tatlong taon,” ayon kay Police Lieutenant Colonel Benedict Poblete, hepe ng Northern District Field Unit.

Nabatid na ang bahay na ipinagbibili sa mga tao ay naka-post sa Facebook Marketplace kasama ng ilang video na nagpapakita ng interior ng bahay bilang patunay na fully furnished ito.

Kapag nagkabayaran na sa pagitan ng mga suspek at ng buyer, doon lamang matutuklasan na nakasanla na ang titulo ng ari-arian.

Napag-alaman pa na kahit nakapagbayad na ang buyer ay doon pa rin nanunuluyan ang mga suspek sa ibinenta nitong ari-arian.

Isa sa mga biktima ng mga suspek na kinilalang si Nilda Lasola na sinabing hindi niya inaasahan na magpapatuloy pa rin sa pananatili sa nabili niyang bahay ang dating may-ari nito.

“Ang pera na yun ay pinaghirapan ko. Puyat at pagod ang dinanas namin,” dagdag pa ni Lasola.

Ayon pa sa isang naging biktima, napag-alaman nito na mayroong criminal record ang mga suspek sa barangay saka pa lamang niya naisip na maaaring scammer ang mga ito.

Ayon naman kay Wilma Santos, isa pang biktima, sa pagbili niya ng bahay na naibenta sa kanya, ang buong akala niya ay nakatulong na siya sa mga suspek dahil sa katandaan ng mga ito, subalit naloko pala siya ng mga ito.

Nabatid na ang ilan pang naging biktima ng mga suspek ay nakapagbigay na ng halagang P100,000 subalit pagsapit ng buwan ng kanilang paglipat ay naroon pa rin ang mga suspek.

Humihiling naman ng hustisya ang biktima si Lolet Cambronero matapos siyang makapagbigay ng halagang P200,000 sa mga suspek.

Sa pahayag ng isa mga suspek, sinabi nitong ginamit niya ang perang tinangay nila para pambayad ng utang.

Pinaalalahanan naman ni Poblete ang publiko na interesadong at nagbabalak na bumili ng mga bahay at lupa na suriing mabuti ang mga dokumento ng ari-arian at kumonsulta sa kinauukulan kung legal ang mga papeles na iprinisenta ng mga nag-aalok bago ito bilihin. Merly Duero